|
Alfie Lorenzo
|
ENTERTAINMENT
‘Ouija’ naka-P50M+ pa lang sa 5 araw Nagdaos ng victory party
ang mga producer ng Ouija led by Ms. Annette Gozon, Joey Abacan, Vincent
and Veronique del Rosario para sa cast, staff & crew ng blockbuster
film sa Solea sa Baler St., San Francisco del Monte nu’ng Linggo nang
gabi. Maluwag ang naturang lugar na nasa loob din ang parking ng mga sasakyan kaya safe mag-party. Nagkantahan at naglaru-laro ng ‘Bring Me’ ang mga dumalo with Noel Ferrer hosting the games. Present syempre ang blockbuster and rated ‘A’ director na si Topel Lee, writer Caloy Adlawan, Jolina & Iza with their respective boyprens, Rhian, Perla Bautista et al. Wala na ang mga nabanggit nung dumating si Juday. At least, nakahabol siya dahil kari-release pa lang niya mula sa shoot ng isa pang bagong commercial niyang pampaganda. Hinintay siya ng mga producer niya who were talking about a sequel ng Ouija or part 2 na hiling ng mga paulit-ulit na nanonood ng horror film. Kinukulit namin ang producers na maglabas ng figures ng kinita ng Ouija, but the producers simply smile. Kapag naglabas sila ng tutoong figures na walang padding (o patong na pigura) ay baka raw sabihin na mahina ang pelikula. Both producers agree na in five days showing (including that Sunday) ay naka-more than P50M na sila mula sa mga sinehan na pinipilahan mula Norte, Pampanga hanggang Mindanao. Patama ng ibang staff, "Naku, kung sa ibang produksyon ‘yan eh tiyak na times 3 ang ilalabas na padded gross, siguradong P150M ang sasabihin nilang kinita nila in five days! Hahahahaha!!!!! "Hindi baleng pagtawanan sila at sabihang ilusyonada basta makapagyabang lang kahit na impossible!" *** Ani Ms. Gozon, "At least kami, ‘yun lang totoo ang sinasabi namin. Hindi pa kasi kami marunong niyang mga padding-padding na ganyan. "Eh may kasosyo kami, baka ang ending, maghanapan pa kami ng kita pag nagdagdag kami ng hindi naman kinita. "So, itong sinasabi naming more than P50M in five days, ‘yun ang totoong gross maski na kitang-kita pa nga ang pila sa lahat ng mga sinehang showing ang Ouija." Sinabi rin niya sa amin ‘yung mga pelikulang mahina sa takilya kaya naniwala kami sa honesty niya. *** Pinatunayan ni Juday ang lakas ng following niya sa Mindanao (kung saan saksi kami sa combined crowd nina Tita Cory at Gary V sa Zamboanga panahon pa lang ng Mara Clara several years ago), and this time sa Cagayan de Oro City na pila ang manonood, ayon sa report sa amin ng isang checker doon ng ibang pelikula, hindi ng Ouija. Bihirang puntahan ang sinehan sa SM mall sa loob ng Clark Air Base (mas puntahan ang Nepo Mall sa downtown area sa Angeles City), pero dalawang araw kaming nakakatanggap ng report ng haba ng pila ng mga manonood. Ganoon din ang report sa amin ng mga nakapila sa sinehan sa Cabanatuan City. As a whole, all over ang spread out ng horror among the young and the old. Mismong ang 6-year old apo naming si John-john ay gustung-gusto ang movie na pag-uwi niya ay bulong siya nang bulong na, "And’yan na siya, and’yan na siya!" –"Takot ako lolo, ganda movie!" anang genius na apo ko. Well, Ms. Gozon was talking about filming the sequel in the United States during winter, around February-March na may yelo pa sa paligid ng Amerika. Welcomed ito kay Juday dahil spring break din daw niya ‘yun to rest a bit in-between shootings ng movie. Surely, hindi naman sila tatablan ng pagod sa shooting dahil frozen ang kapaligiran, refrigerated ang buong lugar kaya walang pawis na tutulo. Na-experience na namin ‘yang mga buwang ‘yan nu’ng mag-shooting kami nung 1979 ng Pinay American Style with Vilma Santos. *** Nagulat pa si Aloy Adlawan nu’ng dumating sa victory party dahil pinagagawa na ito ng sequel, at ang biro ko pa nga, rest ka muna ng Monday, sa Tuesday na tayo mag-shooting! Napamulagat sa pagkagulat si Aloy na sineryoso naman ang biro ko. Well, kung magsu-shooting sa Amerika at Alaska, magkaroon kaya ng multong snowman? "Huwag naman, baka maging comedy ‘yun," ani Ms. Gozon. Well, sa sequel kaya ay humaba na ang cameo role ni Ryan? Baka ma-promote na siya sa pagiging piloto? |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|