Walang nakumbinsi si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang mga kritiko na bababa siya sa Malacañang pagkatapos ng kanyang termino sa 2010.
Ayon kay Sen. Pia Caye-tano, bagama’t sinabi ni Arroyo sa State-of-the-Nation Address (SONA) nito na matatapos ang kanyang termino sa loob ng isang taon, hindi ito garantiya na bababa na talaga ito sa poder.
“Sabi niya, she never said she’ll remain in power, but given na ang daming critics, na maraming nagsasabi na nanganganib na she will stay in power bakit hindi niya masabi categorically na she will not!,” ani Cayetano.
Sinayang umano ni Arroyo ang pagkakataon kahapon na kumbinsihin ang kanyang mga kritiko na wala na talaga itong balak manatili sa kapangyarihan.
“Sabi niya my term ends in a year. Okey, o and then, and then…eh ‘di ituloy na niya sana…huwag kayong mag-aalala na hindi ako makikita sa larangan ng pulitika, bakit hindi niya masabi ‘yun? Ang tagal, ang daming nagtsa-challenge na sabihin niya ‘yun, puwedeng-puwede niyang gamitin ang pagkakataon na sabihin niya ‘yun,” dagdag pa ng senadora sa ambush interview sa Kamara.
Maging si Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero, hindi maitago ang pagka-bad trip sa aniya’y pagpapa-cute ni Mrs. Arroyo sa SONA gayong dapat aniyang tinuldukan na nito ang isyu sa pagpapalawig ng kanyang termino at Charter Change (ChaCha).
“Bakit kailangang magpa-cute pa tungkol du’n, ‘di na lang niliwanag nang husto,” resbak ni Escudero.
Sinabi rin nina Akbayan party-list Rep. Risa Hontiveros at CIBAC party-list Rep. Joel Villanueva, na kahit sinabi ni Arroyo na matatapos ang kanyang termino sa susunod na taon at magkakaroon ng halalan, hindi ito garantiya para paniwalaang mawawala na ito sa kapangyarihan.
“Ang problema, sinabi rin niya noong 2003 na hindi siya tatakbo pero tumakbo pa rin siya,” pahayag ni Villanueva.
“Bantayan pa rin natin siya baka ibang eleksyon ang tinutukoy niya?,” reaksyon naman ni Hontiveros.
Maging si Sen. Francis Pangilinan ay nagsabing dapat maging mapagbantay dahil walang binanggit na pagpapaalam si Arroyo.
“Sa usapin na walang pormal na pagpapaalam, nangangahulugan lamang na dapat maging mapagbantay ang lahat. Kundi siya magpapaalam, eh tayo na ang maghahatid sa kanya sa pintuan sa 2010, palabas ng Malacañang,” ani Pangilinan.
“Ang problema, walang naniniwala sa kanya kahit ano pang sabihin niya. May eleksyon sa 2010 pero ano bang klaseng eleksyon? Baka plebisito naman,” reaksyon naman ni Nueva Ecija Rep. Edno Joson.
Kumbinsido naman si Parañaque Rep. Roilo Golez na para na ring nagpaalam si Arroyo.
“It sounds like a goodbye since she talked about the achievement of her presidency from 2001 to present. Instead of just the past year which she normally did in previous SONAs and her madamdaming maraming salamat to her supporters,” ani Golez.
Kaliwa’t kanan pang pagdududa
Sa mga datos namang ibinigay ng Pangulo na anito’y nagpapakitang umuunlad ang Pilipinas sa ilalim ng kanyang administrasyon, nangibabaw muli ang pagdududa.
Ayon kay Gabriela party-list Rep. Liza Maza, hanggang sa panghuling SONA ay puro kasinunga-lingan pa rin ang iniuulat ni Mrs. Arroyo.
“A string of lies. It’s a pity that in her last SONA, she still didn’t tell the truth about the real situation of our country,” ani Maza.
“We are all wondering where all these wonderful numbers coming from. They don’t reflect the other statistics we’ve seen and life at ground level. According to her, everything is just great when we all experience difficulties and hardships,” reaksyon din ni Ilocos Norte Rep. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos.
Samantalang si Sen. Jinggoy Estrada na kabilang sa 12 senador na nagboykot sa SONA ay nagsabing: “I opted to listen to the words of God rather than listen to the words of a congenital liar.”
Corruption nakalimutan
Sinabi pa ni Rep. Villanueva na mistulang nakaligtaan ni Arroyo ang kampanya laban sa katiwalian bagama’t binanatan nito ang mga taong nag-aakusa sa kanya ng corruption.
Aniya, sa loob ng isang oras na SONA na pinalakpakan ng 123 beses, hindi man lamang nabanggit ni Arroyo ang kampanya laban sa korapsyon.
“Every single SONA, in nine years, she talks about corruption, she talks about to curb it. In fact in 2001, she said in nine months, she will curb the evil of graft and corruption. Itong araw na ito, hindi ko narinig kung papaano lalabanan ang corruption,” pahayag ni Villanueva.
Sa SONA, hindi pinaligtas ni Arroyo ang mga kritiko na nag-aakusa sa kanya.
“I am falsely accused, without proof, of using my position for personal profit. Many of those who accuse me of it have lifestyle and spending habits that make them walking good proofs of that crime,” bahagi pa ng SONA ni Arroyo.