Jun Lalin

Abu Tilamzik

Joe Barrrameda


Pralala Et Cetera

Showbiz Gallery


 

ENTERTAINMENT

Ali, walang panahon kay Angel


Halata pa ring nasaktan ang GMA 7 sa desisyon ni Angel Locsin na paglipat ng ABS-CBN 2 pero desisyon niya iyun at kung ano man ang tunay na dahilan, respetuhin na lang.

Hindi nga lang malinaw kung ano ang tunay na dahilan ng paglipat niya.

Ang sabi ng manager (Becky Aguila) at ama ni Angel sa interview, pagod na pagod na ang young actress at gusto raw nitong magpahinga muna.

Ano ngayon ang gagawin niya sa ABS-CBN 2? Gagawin niyang pahingahan?

Malaki raw ang utang na loob nila sa GMA 7, kaya masakit daw sa kanila ang pag-alis.

Eh bakit itinuloy pa rin ni Angel ang paglipat kahit alam ng lahat na meron pang plano ang GMA 7 sa kanyang career?

Dahil ba nabababaan si Angel sa talent fee na natatanggap niya sa GMA 7?

Lumipat si Angel dahil nagkuripot ang GMA 7 at hindi ibinigay ang sa tingin niya ay tamang TF na nararapat sa kanya?

Medyo nalilito kami. Hindi ito tugma sa naunang statement nila na tumatanaw pa rin sila ng utang na loob.

Kapag utang na loob ang isyu, walang katapat na pera iyan.

Naguguluhan kami. Tama ba ang values na itinuturo kay Angel?

Dahil mas malaki ang bigay ng kabila, okay lang na kalimutan ang utang na loob?

Maaring may malalim pang dahilan na hindi pa nila nasasabi kaya hayaan na.

Tiyak namang mananatiling nakatayo ang GMA 7 kahit sino pa ang sumikat na artista at tuluyan nang magpahinga si Angel.

Ayaw naming sabihing totoo itong mga narinig namin, pero heto ang ilang kuwentong nakarating sa amin na nagsasabing malaki na ang ipinagbago ni Angel.

Nagbitaw raw ng statement si Angel na, "Ako naman ang dahilan kaya nag-number one ang GMA 7!"

Meron pa raw isang GMA executive ang sinabihan nitong young actress ng, "Sa mga endorsement ko, mabubuhay ako! Hindi ko na kailangan ang TV!"

Medyo nakatatakot kung totoo itong mga pinagsasabi ni Angel.

Hindi pa nakapagsalita si Angel sa isyung ito dahil nasa London pa siya.

Sana, huwag na muna masyadong gamitin ang kanyang ama para maipagtanggol siya sa ganitong sitwasyon.

***

Kinausap namin si Ali Sotto na itinuturing na isa sa mga taong malapit kay Angel.

Ani Ali, matagal na silang walang komunikasyon ng young actress. Ang huling pagkikita raw nila ay nu’ng nakaraang Pasko nang binigyan niya ng Christmas gift ang young actress.

Hindi na raw nagte-text o tumatawag sa kanya si Angel. Ang naalala lang daw niya ay nu’ng pinadalhan siya nito ng bulaklak nu’ng nakaraang Valentine’s day.

Hindi raw gaya ng dati na nagugulat na lang siya minsan, dumarating si Angel, tumatawag o nagte-text.

"Alam mo si Danica, hanggang ngayon, nagte-text na nangungumusta o wala lang, naalala lang daw ako. Di ba, ang sweet?" pahayag ni Ali na kahit ayaw man niya kaming sagutin, halatang nasasaktan siya sa malaking pagbabago ni Angel.

"Ayokong magsalita, kasi, hindi ko alam kung may karapatan ba akong masaktan or what," patuloy ni Ali.

"Iyung sa GMA 7 kasi, professional iyung isyu nila, eh. Ang sa akin, iba. Kasi, emotional ito. Iyun ang ipinuhunan ko, eh."

Kahit may radio program siya sa DZBB, wala siyang balak magsalita tungkol kay Angel.

"Ang dami namang puwedeng pag-usapan, di ba? Nandiyan ang SONA at ang agawan ng speakership. May panahon pa ba akong pag-usapan siya?"

Alam naming maraming pwedeng sabihin si Ali tungkol kay Angel dahil siya ang isa sa nakikipaglaban noon para sa kapakanan ng young actress, pero ayaw na raw niya dahil mahirap na raw na mapagbintangan siyang nakikisawsaw sa isyu.

***

Sa story conference ng Resiklo ay sinagot ni Jennylyn Mercado ang isyu kay Angel Locsin dahil ‘kapatid’ niya ito sa kuwadra ni Becky AGuila.

Wala raw siyang alam sa mga desisyon ni Angel at ng manager niya pero naniniwala raw siyang hindi siya maapektuhan kahit si Becky ang manager niya.

"Malaki ang utang na loob ko sa GMA 7 at alam kong hindi nila ako pababayaan," pahayag ni Jennylyn.

Naniniwala siyang hindi siya maapektuhan kung meron mang gap ang kanyang manager sa GMA 7.

 

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top