Sinupalpal ng isang senador ang umano’y ‘pagmamarunong’ ng tanggapan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Raul Gonzalez sa auditing ng libro ng mga oil companies upang magkaalaman kung magkano ang ‘tongpats’ sa presyo ng petroleum products.
Maging ang pagpapel ng Commission on Audit (COA) na gaya ng proposal ni Parañaque Cong. Roilo Golez ay binaterya ni Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero III, kasabay ang alegasyong hindi kasali ang komisyon sa Oil Deregulation Law kaya’t wala itong pakialam sa auditing.
Ayon kay Escudero, chairman ng Senate committee on ways and means, walang papel sa auditing ng kita ng mga oil companies ang DOJ bagkus hurisdiksyon ito ng Department of Energy (DOE).
Aniya pa, trabaho ni Energy Secretary Angelo Reyes ang mag-audit o magbusisi sa libro ng mga oil companies upang maiwasan ang manipulasyon at sabwatan ng mga kumpanya sa pagtatakda ng presyo subalit hanggang sa kasalukuyan ay wala itong ginagawa.
Samantala, kung ang Malacañang ang tatanungin, pabor ito sa pag-entra ng COA sa auditing ng libro ng oil companies.
Kinatigan kahapon ng Palasyo sa pamamagitan ni Deputy Presidential Spokesman Lorelei Fajardo ang hakbanging isalang sa auditing ng COA ang financial records ng mga major oil companies upang madetermina kung tapat ang mga ito sa ginagawang price adjustment ng kanilang mga produkto.
Ipinahiwatig din ni Fajardo na hindi makikialam ang ehekutibo sa proseso at hahayaan ang malayang paghawak dito ng COA.
“We trust that COA will conduct themselves in the highest degree of independence and integrity,” pahayag pa ni Fajardo.
|