July 23, 2008 -Wednesday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
HEADLINES
 
Pinay maid bibitayin sa Kuwait
(Al Jacinto)
 

ZAMBOANGA CITY --- Isang Pinay maid na naman sa Kuwait ang nakatakdang bitayin matapos itong mapatunayang diumano’y pumatay sa anak ng kanyang amo.

Nakilala ang Pinay death convict na si Jakatia Mandon Pawa, 31, na sinasabing siyang sumaksak at pumatay sa 20-anyos na anak na babae ng kanyang amo sa Mubarak Al-Kabeer, isa sa mga governorates ng Kuwait.

Headline rin kahapon sa Kuwaiti newspaper na Arab Times ang sentensya sa Pinay maid na tubong Zamboanga del Norte.

Pinaboran din ni Kuwaiti Court of Appeals Judge Mohammed Bu Slaib ang naunang sentensya ng lower court kay Pawa.

Bitay ang kalimitang parusa sa lahat ng death sentence sa Kuwait.
“In a previous session, Jakatia’s lawyer argued his client had no criminal intent as there is no evidence proving that she intentionally killed the victim. He then requested the court to acquit his client, refer to a committee from the Psychiatric Hospital to check on her mental status or, at least, show maximum leniency towards Jakatia,” ayon pa sa ulat ng Arab Times.

Nabatid na sinaksak diumano ni Pawa ang anak ng babaeng amo habang natutulog ito sa kanyang silid noong Mayo 14 sa Qurain District, katimugan ng Kuwait City. Matapos ng krimen ay nilundag umano ni Pawa ang ikalawang palapag ng bahay upang tumakas ngunit nasugatan naman ito sa kanyang pagtalon at naospital ng ilang araw.

Ngunit hindi malinaw ang motibo ng krimen at kung ano ang nag-udyok kay Pawa na saksakin ang biktima.

Noong Disyembre 2007 ay isang Pinay maid din na si Marilou Ranario ang sinentensyahan sa pagpatay sa kanyang amo, ngunit pinatawan na lamang ito ng pagkabilanggo sa habambuhay matapos na maawa ang Emir ng Kuwait na si Sheikh Sabah Al-Ahmad Al-Jaber Al-Sabah dahil na rin sa pakiusap ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nang bumisita ito doon. Mahigit sa 73,000 mga Pinoy ang nagtatrabaho sa Kuwait at karamihan sa kanila ay bilang mga maid.

Nitong Abril lamang ay bitay din ang sentensya ng Kuwaiti Supreme Court sa Pinay maid na si May Vecina dahil sa pagpatay sa 7 taong gulang na anak ng kanyang amo at tangkang pagpaslang sa dalawang kapatid ng biktima.

Ngunit muling na-commute ang parusang bitay at life sentence na lamang ang inihatol ng Emir dahil na naman sa pakiusap ng pamahalaang Arroyo. Sinabi ni Vecina na nawala ito sa kanyang sarili dahil sa pahirap ng mga amo kung kaya’t nagawa ang krimen.


 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES