Maitatala sa kasaysayan ng Pilipinas na si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang siyang dahilan ng pagkagutom ng mga Filipino sa mahabang panahon.
Ito ang naging pahayag ni Gabriela party-list Rep. Liza Maza kasabay ang pag-aakusa na nabubuhay na lamang sa pantasya si Arroyo dahil sa kabila ng pagdami ng nagugutom na mga Filipino ay malakas pa ang loob nito na sabihing ramdam na ramdam na kaunlaran sa Pilipinas.
Sinabi pa ni Maza, na noong maagaw ni Arroyo ang kapangyarihan kay dating Pangulong Joseph Estrada ay umaabot lamang sa 9.8% ang hunger rate sa bansa. Subalit matapos ang pitong taon, umaabot na ito sa 16.3% na isang patunay na nagutom lamang ang mga Filipino sa ilalim ng administrasyon ni Arroyo.
“Ramdam na ramdam ang kagutuman. President Arroyo can harp all she wants about the supposed economic gains but the truth of the matter is that seven SONAs later, hunger incidence in the Philippines has gone from bad to worse,” ani Maza.
Si Arroyo na ang idineklarang most unpopular Philippine president matapos lumabas sa survey ng Social Weather Station (SWS) matapos sumadsad sa negative 38% ang kanyang satisfaction rating.
“It is the women who are hit hardest by the food crisis. Mothers who make up the majority of those lining up for cheap NFA rice, are most often, the last to eat. Isusubo nalang, ibibigay pa sa anak,” dagdag pa ng mambabatas.
Ayon naman kay Senate minority floor leader Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr., kahit anong pamumudmod ng subsidy ang gawin ni Mrs. Arroyo, hindi mapagtatakpan ang katotohanang nagugutom ang mga Pilipino, katulad ng resulta sa survey ng Social Weather Station (SWS).
Ayon kay Pimentel, sumasalamin sa lumalalang pagkagutom ng mga Pilipino kung gaano ka-inutil ang subsidy program ni Mrs. Arroyo, malinaw aniyang hindi uubra ang pamumudmod ng cash nito.
Sa pinakahuling SWS survey, humigit-kumulang tatlong milyong Pilipino ang nagkumpirmang gutom at sumasala sa tatlong beses na pagkain kada araw bunga ng kahirapan at kawalan ng trabaho.
“Subsidies won’t solve hunger from poverty. You need to eradicate it which GMA cannot do,” ani Pimentel.
Naunang ipinangalandakan ni Pangulong Arroyo sa talumpati nito kahapon sa Datu Odin Sinsuat sa Mindanao na bumaba ang bilang ng mga nagugutom sa rehiyon dahil “food basket” ito ng bansa.
“Salamat na lamang sa mga nakaraang buwan, bumaba ang kagutuman sa Mindanao. After all Mindanao has the largest field of high productivity but Mindanao,” ani Arroyo.
Pagmamalaki pa ni Pangulong Arroyo na kumpara sa ibang bansa, mas mahina pa ang epekto ng global rice crisis sa Pilipinas.