July 21, 2008 - Monday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
PUBLIC SERVICE
 
Ang gusto niya ang nasusunod
Kuya Rom
 

Dear Kuya Rom,
Sampung buwan niya akong niligawan pagkat may dati akong karelasyon noon. Ngayon mahigit isang taon na kami ng boyfriend ko. Ako ay 28 at siya naman ay 32. Pang-araw ako sa trabaho at pang-gabi naman siya. Magkalapit kami ng boarding house.
Masarap siyang kasama pagkat magaling siyang magpatawa, maraming jokes. Magkasundo kami sa maraming bagay at magkatugma ang aming mga prinsipyo sa buhay. Higit sa lahat, ako ay physically attracted sa kanya.
Kaya lang, pakiramdam ko ay parang ako ang lalaki sa relasyon namin. Hindi naman dahil siya ay bakla kundi gusto lamang niyang sundin ang gusto ko. Ako lagi ang nasusunod.
Para sa kanya, natutuwa siya na ginagawa ang bagay na makakagaan sa buhay ko, tulad ng paglilinis sa tirahan ko, paglalaba, pamamalantsa, pamimili ng groceries, pagluluto. Ayaw niya akong nahihirapan.
Gusto ko kasi sa lalaki ay siya ang nagli-lead at maru­nong tumanggi sa gusto ko. Nagi-guilty ako na parang nagti-take advantage ako sa kabaitan niya. Sinasabi ko sa kanya na hindi niya kailangang gawin ang lahat ng mga ito para sa akin. Nginingitian lamang niya ako tungkol dito, wala raw sa kanya iyon, mahal lang daw niya ako.
Mahal ko naman siya, ang problema nga lamang ay hindi ko maalis sa isip ko na ako ang parang luma­labas na mas lalaki sa aming dalawa. Balak naming magpakasal next year. Ano po ba ang masasabi ninyo tungkol sa sitwasyon ko? -- Cacay
Dear Cacay,
Well, ang maaaring dahilan kung bakit ginagawang lahat ng boyfriend mo ang mga ito ay nakikita niyang hindi mo ginagawa ang mga ito. Marahil sanay ka nang siya ang gumagawa ng mga ito para sa iyo, kaya hindi ka na rin kumikilos -- hindi ka na naglilinis ng bahay, hindi naglalaba, hindi namamalantsa, hindi nag-grocery, hindi nagluluto. Kinatamaran mo nang gawin ang mga ito na dapat ikaw ang gumagawa. Dahil wala kang ginagawa, parang nagti-take advantage ka at pakiramdam mo’y guilty ka.
Huwag kang mag-take advantage, at mawawala ang guilt mo. Paano mo gagawin ito? Pasalamatan mo siya ng buong puso. Maaaring sorpresahin mo siya, bumili ka ng paborito niyang polo, pantalon o pabango -- mga maliliit na bagay na mapapakita sa kanya na may malaking appreciation ka sa mga ginagawa niya para sa iyo.
Hindi mo siya mapipigil sa mga ginagawa niya para sa iyo dahil ito ang paraan niya ng pagpapakita ng pagmamahal niya sa iyo. Tanggapin mo na lamang ang katotohanang may mga lalaking marunong talaga ng mga gawaing bahay.
Kung magkakatuluyan kayo, siya ay magiging matulunging asawa para sa iyo. Marahil, kapag mag-asawa na kayo, ang kailangan mo lang gawin ay maghanda ng hapag-kainan, maghugas ng pinggan, magdekorasyon ng bahay, mga magagaang gawain.
‘Di mo dapat ginagawang problema ito kundi ikatuwa mo. Kung talagang ganyan kabait ang mapapangasawa mo at ikaw ay physically attracted sa kanya at hindi naman siya alanganing lalaki kundi isang tunay na lalaki, maraming babae ang maiinggit sa iyo at tiyak na iisa ang sasabihin nila sa iyo, suwerte mo! Kaya’t magbantay ka sapagkat maraming babae ang magkakagusto sa kanya.
Nawa’y makita mo na mabait sa iyo ang Diyos at binigyan ka Niya ng isang lalaking nagmamahal sa iyo ng higit pa sa pagmamahal niya sa kanyang sarili, mapagkakatiwalaan, maalalahanin, may matatag na hanapbuhay, marunong mamuhay ng matuwid. Cacay, tunay na isang malaking pagpapala ito para sa iyo. God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES