Cyber Prayer

Romance Tonite

Walang Bolahan


 

PUBLIC SERVICE

Kaso ‘niluluto’?


Naniniwala si Cebu Rep. Pablo Garcia na kaya’t binawi ni House Speaker Jose de Venecia, Jr. ang pagpayag na idaan sa secret balloting ang pagpili ng susunod na Speaker ay dahil sa takot na matatalo.

Ayon kay Garcia, ang pagkain ni De Venecia sa kanyang sinabi ay patunay lang na hindi totoo ang mga ipinalabas na advertisement ng huli na umano’y suportado siya ng mayorya ng mga kongresista.

Si Garcia, na mula sa partido ni Pangulong Arroyo na Kabalikat ng Malayang Pilipino (Kampi), ang mahigpit na karibal ni De Venecia sa speakership race.

Gayunman, sa pagtsi-chicken out ni De Venecia, sinabi ni Garcia na hindi niya dapat ibinato sa Lakas-CMD ang dahilan ng kanyang pag-urong sa pagsasabing ito’y party decision.

Kinuwestyon din ni Garcia ang sinseridad ng naunang pagpayag ni De Venecia na magkaroon ng secret balloting kung ito’y gagawin sa July 14.

Ani Garcia, alam ni De Venecia na imposibleng makapunta sa Maynila ang karamihan ng mga kongresista sa July 14 para sa secret balloting.

***

Ang bayan ng San Pedro sa unang distrito ng Laguna, ang nagsisilbing lagusan ng Kamaynilaan tungo sa lalawigan sa Katimugang Luzon. Pero ngayon ay mas kilala na ito bilang shabu capital ng Luzon at ito ay ayon na rin mismo sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.

Kung bakit nasa pintuan lamang ng Kamaynilaan ang gawaan ng drogang shabu ay isang napakalaking misteryo kung bakit ito ay hindi namamatyagan at napapahinto.

Minsan ay nagpapakitang-gilas naman ang mga awtoridad at manaka-naka ay mayroong nahuhuli pero ang nakapagtataka ay bigla namang tumatahimik na lamang at wala ng nababalitaan ang madla sa kinahihinatnan ng mga kaso.

Tulad nang matimbog ng operatiba ng PDEA ang isang shabu factory sa San Pedro na nahulihan ng mga sangkap sa paggawa ng shabu na tinatayang aabot daw ng P4 bilyon. Ang tanong, ano ang ginagawa ng mga lokal na opisyal ng San Pedro? Imposibleng wala silang alam sa mga sindikato na nag-o-operate sa kanilang nasasakupan.

Lubha silang tahimik tungkol sa natimbog na factory ng shabu at ganundin naman ang pananahimik ng PDEA.

Balita namin ay niluto na raw ang naturang kaso dahil nakikialam daw ang ilang matataas na tao sa Laguna.

Ano ang masasabi rito ni Gen Santiago ng PDEA? Baka nabubukulan ka na sir? At ano rin ang masasabi ni Meyor Cataquiz? Ito bang si Meyor ang dating pinuno ng Laguna Lake Development Authority...hmmmm...musta na kaya ang kaso nito...ang huling dinig ko ay nasa Court of Appeals na ito.

***

Kamakailan ay atin ding sinaltik ang kutsabahang pulis at mga gambling lord sa Maynila. Eto po ang karagdagang impormasyon para mapatigil na ng tuluyan ng PNP ang mga ilegal dito.

Ito ang mga pwesto ng sikat na gambling lord na isa umanong Ferdie Sy.

Sa Luneta sa Delgado St., Pier South na sakop ng PCP 5 sa pamumuno ni Supt. Rosales, Guerrero St. cor. Kalaw na sakop ni Bgy. Chairman Macapagal, Solas St. na sakop ni Chairman Bayan, Estero Cegado at Ronquillo na malapit sa off-track betting (OTB).

Mayroon din malapit sa outpost na sakop ni Supt. Martinez na tolda lang daw ang takip. Sa PS9 sa Bocobo St. ay mayroon ding pwesto na malapit din sa OTB na katabi ng Ospital ng Maynila. Meron din sa sakop ng PS2 sa ilalim ni Supt. Diaz sa Ongpin St., tabi ng OTB.

Ang pinaka-opisina nila ng loteng, ending, ez2 at video karera ay nasa Maria Pajo St. cor. ng palengke ng Tondo na sakop ni Supt. Layag.

Ayan kumpleto detalye, sana ay hindi na maligaw ang mga awtoridad nang sa gayun ay malipol na ang mga ito.

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top