|
|
OPINION
Hindi pa huli ang lahat! Bago pag-usapan ang 47 sentimong rate reduction ni National Power Corporation (Napocor) chief Cyrill del Callar, bakit hindi atupagin ng Presidential Anti-Graft Commission (PAGC), maging ng Department of Finance (DOF) ang lifestyle check sa hanay ng mga opisyal lalo pa’t marami ang isinasangkot sa katiwalian, maliban kung mismong Bureau of Internal Revenue (BIR) ay nakukuha sa aregluhan? Sa mahabang panahon, walang ibang namayagpag kundi ang "Napocor mafia" subalit nakakapagtakang hindi masaraduhan ang gripong pinagmumulan ng katiwalian at patuloy ang paghaharing-uri ng mga kawatan sa kumpanya. Kahit ilang beses nagpalit ng opisyal, iisa pa rin ang bukambibig ng mga senador at kongresista tuwing magpapatawag ng public hearing pero walang magawa. Ni sa panaginip ayokong isiping malawak ang operasyon ng mafia at abot hanggang Kongreso ang buntot ng mga kurimaw. Sa report na nakalap ng Spy, hindi masaya ang ina ni Lion King sa performance ni Del Callar lalo pa’t gustong ‘maglinis ng bakuran’ sa gitna ng alegasyong lumalawak ang operasyon ng Napocor mafia at tumatanggap ng kaliwa’t kanang komisyon o lagay mula sa multi-bilyon pisong kontrata ang mga opisyal, katulad sa incremental currency rate adjustment (ICERA) at generation rates adjustment mechanism (GRAM). Kahit itanong n’yo pa kay birthday boy Gerry Baja ng "Dos Por Dos". Ngayong buwan, ipapatupad ang 47 sentimong rate reduction, alinsunod sa press release ni Del Callar subalit suriin ang hakbang ng Napocor, ito’y ‘pakunsuelo de bobo’ lamang upang pagtakpan sa harap ng esposa ni Jose Pidal ang kanilang kapalpakan, maging ang katiwaliang nagaganap sa kumpanya gayong dapat dalawang beses nang naipatupad ang pagbabawas. Ibig sabihin, kinasangkapan lamang ni Del Callar ang rate reduction upang isalba ang kanyang sarili sa posibleng pagkasibak. *** Tatlong araw bago ang pagbubukas ng 14th Congress, maaari pang ‘magbangon-puri’ si Senate President Manuel Villar Jr., maging ang tatlong (3) kasamahan--sina senador Jinggoy Estrada, Francis "Chiz" Escudero III at Alan Peter Cayetano. Katulad ng paboritong linya sa media: Dalawang bagay lamang ang maaaring pagpilian ni "Mr. Two Things Villar"--ang kumampi sa oposisyon o tuluyang magpakalunod, kasama ang mga kampon ni Mrs. Arroyo. Bagama’t independent ang Upper House, nagugulumihanan ang publiko kung anong nangyari sa tatlong kandidato ng Genuine Opposition (GO) plus Jinggoy, bakit nga naman makikisiping sa walong kampon ni Mrs. Arroyo at dalawang ‘Independent solon kuno’ gayong tumakbo at nanalo, gamit ang pangalan ng oposisyon, hindi ang Nacionalista Party (NP) na isinasangkalan sa media interview ni Cayetano para malusutan at bigyang-katwiran ang pagtatraydor sa kabilang grupo. Ayokong pangunahan ang magiging partehan ng committee chairmanship sa Upper House subalit malaki ang tsansang magmukhang tanga at katawa-tawa ang liderato ni Villar, maliban kung epektibo ang "media handling" sa lahat ng peryodiko at broadcast media na una nitong ipinagmamalaki sa opposition bloc? Pansinin n’yo, paano pakikisamahan ni Cayetano si Senador Joker Arroyo na makailang-beses nitong inakusahang ‘inuupuan at pinagtatakpan’ ang Jose Pidal probe? Hindi bale si Jinggoy, ito’y naka-kompromiso lamang sa isang boto, hindi sa sinumang kasiping ni Villar sa majority bloc, ewan lang kung nagising si Escudero? Kaya’t may katwiran ang pagtakbo ni Joselito Cayetano, alyas Peter ng nakaraang eleksyon, marahil inisip ni Atty. Oliver Lozano, maging ng kampo ni First Gentleman Mike Arroyo--ito’y hindi magtatraydor sa kanilang grupo, hindi katulad ng nagpapakilalang ‘original copy’ ni Pedro, aba’y inabandona ang mga taong nagmahal at nagtiwala sa oposisyon, katulad din ng ginawa sa kanyang Tito Mike. Sabagay, ano nga namang mahihita ni Cayetano kung katulad ni Senador Panfilo "Ping" Lacson ang makakasama sa grupo lalo pa’t wala itong pork barrel at hindi tumatanggap ng anumang suhol. ‘Ika nga ng mga kurimaw sa Upper House, siguradong kakalimutan ni Cayetano ang lahat, if "Manny talks". |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|