|
Atienza sa DENR hindi raw political payback Oposisyon labasan na ng baraha -- Lacson Migz dedma na lang sa ‘Dayana Zubiri’
|
TOP
STORIES
Atienza sa DENR hindi raw political payback (Rose Miranda/Rey Marfil/Bernard Taguinod) Pinabulaanan kahapon ng Malacañang na isang uri ng "political payback" ang pagkakatalaga kay dating Manila Mayor Lito Atienza bilang bagong kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Si Atienza ang magiging kapalit ni Secretary Angelo Reyes na ililipat naman sa Department of Energy (DOE) na nakatakda nang lisanin ni Secretary Rafael Lotilla na umano’y magbabalik na sa pribadong sektor. Bagama’t hindi masabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita kung ano ang nakitang kuwalipikasyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kay Atienza para mapiling kalihim ng DENR, iginiit nitong hindi ito isang pagbabayad-utang. Nakiusap din si Ermita sa mga kritiko na huwag agad husgahan si Atienza gayundin si Reyes sa bago nitong appointment sa DOE at pabayaan muna ang mga ito na tuparin ang mga bago nilang tungkulin. Itinanggi rin ni Ermita na pinagbitiw ni Pangulong Arroyo si Lotilla dahil sa kabiguan nito na isapribado ang ilang naluluging kumpanya sa ilalim ng DOE. Aniya pa, magiging epektibo ang pinakahuling appointment, isang linggo matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Arroyo. Samantala, mistulang hindi naman kumbinsido si Senate minority floor leader Aquilino Pimentel, Jr. sa appointment ni Atienza. Ayon kay Pimentel, malaking problema ang kahaharapin ni Atienza sa DENR lalo pa’t hindi ‘makapagpalit ng polo’ o makakapagbagong-bihis ang departamento kung kontrolado ni Mrs. Arroyo ang bawat galaw ng kalihim nito. Bagama’t ayaw husgahan ni Pimentel ang estilo ng pamumuno ni Atienza, isang malaking katanungan aniya kung paano ititimon ng dating alkalde ng Maynila ang isang departamento na kailangang baguhin ang hitsura lalo pa’t inalis si Reyes dahil hindi kumbinsido ang Malacañang sa naging pamamalakad nito. Aniya, kung matino ang pamamalakad ni Reyes, hindi kailangang alisin pa ito sa DENR at ilagay sa DOE bilang kapalit ni Secretary Lotilla na nais nang magbalik sa pribadong sektor. "What is problematic is that DENR was split by executive action? How will their operation be defined and funded? Malabo yata," ani Pimentel. |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|