Cyber Prayer

Payong Kapatid


Para sa mga gustong humingi ng payo, sumulat sa Abante, c/o Kuya Rom Rm. 301, BF Condominium, Bldg., Solana cor. A. Soriano Sts., Intramuros Manila.

 

E-mail address:

 kuyarom@abante-tonite.com

 

PUBLIC SERVICE

Isang lihim na nabunyag


Sumulat si Independent Lady sa column na ito para humingi ng payo sa kanyang mga problema: (1) Siya ay sinungaling sa kanyang magulang, mga kaibigan at boyfriend. (2) Siya ay madaling ligawan, madaling magmahal at madaling matangay ng mga hawak, yakap, halik at hipo ng lalaki. (3) Siya ay madaling layuan ng lalaki. (4) Hinahanap-hanap niya ang halik at init ng lalaki; ito ang dahilan kung bakit kung nag-iisa siya, ginagawa niya sa sarili niya ang ginagawa ng lalaki sa kanya. (5) Siya ay naniniwalang sinungaling siya pero hindi siya masama ‘pagkat siya ay relihiyoso at nagrorosaryo. Ito ang pangalawa ng mahabang serye ng pagpapayo para sa kanya.

 

Dear Independent Lady,

Uulitin ko ang una kong sinabi at pagbati sa iyo. Ang ginawa mong pagsulat at paghingi ng payo na maaaring ngayon mo lamang ginawa sa buong buhay mo ay isang tamang hakbang patungo sa tamang direksiyon. Congratulations!

Marami kang usapin o isyu sa buhay na dapat pagtuunan ng pansin. Lilinawin natin ang mga ito ng isa-isa upang magkaroon ka nawa ng kaliwanagan.

Ang unang isyu: Ang iyong pagsisinungaling sa iyong ama. Tinatanong mo kung bakit hindi alam ng magulang mo ang nangyayari sa iyo sa labas ng bahay? Ang sagot: Sapagkat sinungaling ka. Ang sabi mo sa father mo’y may overtime ka sa trabaho pero ang totoo nanood ka ng sine na kasama ang boyfriend mo.

Sa iyong sulat, mukhang sinisisi mo ang iyong magulang sa nangyarin sa iyo. Unfair naman ito sa ama mo. Ikaw ay nasa edad na upang ikaw ay personal na maging responsable sa lahat ng iyong ginagawa.

Dapat mong unawain na kung mahigpit man ang iyong ama sa iyo, ito ay dahil mahal ka niya, nais niya ang kabutihan mo lamang. Ito ay para sa iyong proteksiyon upang hindi masira ang iyong buhay. Ito ay hindi dahil wala siyang pagpapahalaga sa iyong nararamdaman.

Ang pangalawang isyu: Ang pagsisinungaling mo sa ang una at pangalawang boyfriend mo. Mukhang kapag nakakatagpo ka ng lalaking interesado sa iyo, gumawa ka ng kasinungalingan para hindi siya mawala sa iyo. Pero sa sandaling nalaman nito ang katotohanan, iniiwan ka. Natural, sapagkat wala naman taong ang gusto’y kasinungalingan. Ikaw ba nais mong magsinungaling sa iyo ang ibang tao, hindi, di ba?

Ang kasinungalingan ay hindi kailanman naging matibay na pundasyon ng relasyon ng magulang at anak, ng lalaki at babae. Walang lihim na hindi nabubunyag. Tandaan: Ang pagtitiwala ay napakahalagang haligi upang maging matibay ang relasyon ng lalaki at babae. Ang kasinungalingan, maliit man o malaki ay sumisira o nagpapaguho sa pagtitiwala. At kapag gumuho ang isang mahalagang haligi ng pagsasama, nawawasak ang relasyon.

Saan nagmumula ang pagtitiwala? Nagmumula ito sa katotohanan. Kung walang katotohanang mapanghahawakan ka, di ka magtitiwala. Kung walang katotohanan sa iyo, hindi ka katiwa-tiwala. Kung sasabihin mong sinungaling ka pero sa tingin mo’y mabuti kang tao ayon sa iyong sulat, niloloko at dinadaya mo lang ang iyong sarili. Ang isang taong sinungaling na nagsasabing mabuti siyang tao sa kanyang paningin ay isang hypocrite. Doble-kara. Mapagpanggap.

Maaaring pinapalagay mong mabuti kang tao dahil hindi ka naman mamamatay-tao, ngunit ang pagsisinungaling ay paglabag sa ika-Siyam na utos ng Diyos. Kaya’t ang kabutihan mo ayon sa iyong pamantayan ay hindi papasa sa pamantayan ng Diyos. Maliit man o malaki, ang kasalanan ay kasalanan. Ito ang dahilan kung bakit maraming tao ang hiwalay at malayo sa banal na Diyos.

Magpakatotoo ka. Tandaan: Ang katotohanan ay batayan ng pagtitiwala at ang patitiwala ay mahalaga sa relasyon. May pag-uusapan pa tayo. Abangan!

Payong kapatid,

Kuya Rom

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top