|
|
OPINION
Mga rekomendasyon na naman Ang ginawang summit tungkol sa extra-judicial killings sa Manila Hotel nu’ng Lunes ay patotoo na tunay at nakakaalarma na ang nasabing problema. Maaalalang nu’ng mga nakaraang araw ay dinededma at minamaliit pa nga ng gobyerno ang mga international organizations, kasama na ang UN na nag-imbestiga rito sa ‘Pinas sa mga dukutan at patayan ng mga militante, mediamen, at inaakalang kaaway ng gobyerno. Mabuti naman at tuwiran nang hinarap ang problema, salamat sa pagpupursige mismo ni Supreme Court Chief Justice Reynato Puno. Pero hindi ganap ang pasasalamat ng mga kamag-anak ng mga biktima ng extra-judicial killings, pati na mga militanteng organisasyon, dahil halos sinabay naman ang pag-epekto ng Human Security Act, na mas popular sa media bilang anti-terrorism act. At noon pa mang pinagdedebatehan ang batas na ito sa Kongreso, hindi nagkulang ang political opposition sa pagboses ng pangamba na baka gamitin ng administrasyona ang batas na ito, sa pagsupil sa sinumang kritiko sa pamahalaan. Sa totoo, hindi ako naniniwalang may ginawa ngang malawakang information campaign ang gobyerno sa pagpapaliwanag ng batas sa buong kabayanan. Narinig ko rin ang ganyang pahayag mula mismo sa Commission on Human Rights, na hindi ko maintindihan kung bakit hindi kasama sa magpapatupad na council. Ayon na rin sa batas na ito, dapat ay inilathala sa mga pahayagan, o nai-broadcast sa radyo sa lahat ng region sa ‘Pinas ang mga importanteng probisyon ng batas sa kung anumang salita sa isang region. Dapat ay naisalin ang batas sa Cebuano, Ilonggo, Ilocano, Bicolano atbp. At habang sinusulat ko ito, may mga nagsampa na ng petition sa Korte Suprema na hinihinging ideklara na labag sa Constitution ang nasabing batas. Mayroon na ring mga kongresistang nagsampa ng panukalang batas na ibasura (i-repeal) ang Human Security Act. Doon naman sa summit sa extra-judicial killings na nagtapos kahapon, ay inaasahang magbibigay ng mga rekomendasyon kung paano matitigil ang mga extra-judicial killings. Pero sa umpisa pa man, nagtuturuan na ang mga militante at AFP. Ang suspetsa ng mga militante at aktibista ay ang AFP ang may kagagawan ng mga pagdukot at patayang ito. Ginigiit naman ng AFP na ang NPA mismo ang nagliligpit ng mga inaakala nilang bumaligtad na, may balak bumaligtad, o kaya’y mga pinagsususpetsahang espiya ng gobyerno laban sa kilusan. Sa pamumuno ni Chief Justice Puno, natitiyak kong magaganda ang mga rekomendasyong lalabas buhat sa summit. Pero marami riyan ang hindi na gaanong umaasa sa gobyerno sa pagpapatupad ng mga rekomendasyong galing sa ganitong pagpupulong. Nauna na kasi ang mga rekomendasyon ng Davide Commission tungkol sa mga coup d etat. Walang nangyari rito kaya siguro pumutok ‘yung Oakwood incident. Nagkaroon naman ng Melo Commission na naglabas din ng sariling rekomendasyon. Ewan ko kung unti-unting may tinutupad sa mga rekomendasyon nito. Maaaring mga ilang araw pa bago ilabas ang mga rekomendasyon buhat sa summit na binuo ni Chief Justice Puno. Sana naman may mangyari sa mga irerekomenda nito, lalo na’t ang summit "baby" ng isang nakaupong Chief Justice ng Supreme Court. |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|