Editorial

For the record

Usisero


 

OPINION

Magkano ba-Korean?


Kung pakikinggan ang Palasyo at ang mga promotor ng Anti-Terror Law na bininyagan bilang Human Security Act, walang dapat ikanerbiyos sa batas na ito.

Sapat anila ang mga safeguard na nakapaloob sa batas upang maging konsensya ng mga pulis at sundalo para huwag umabuso sa pagpapatupad nito.

Ipinapaalala rin ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. na merong Oversight Committee ang Kongreso na may kapangyarihan upang hambalusin sina General Abusado at Sergeant Mapang-api!

Hirit ni Alyas Pogi, pagbukas na pagbukas ng 14th Congress sa Lunes, dapat agad na buuin ang komite na ala-Pulis Kongreso upang makapag-umpisa na ng trabaho at palukpukin ang katribo ni SP04 Abuso.

Kaya lamang Senator Bong, huwag naman sanang makatulad ng Congressional Oversight Committee on Anti-terrorism Law ang mga dating monitoring body ng Kongreso na nagmukhang kawawang cowboy lamang at kahit na latigo’y hindi naiwasiwas.

Paano natin malilimutan ang mga Oversight Committee sa EPIRA of 2001 na nagmukhang tau-tauhan lamang dahil publiko’y gulpi-sarado sa ppa na binayaran buhat sa mga kuwestyunableng kontrata sa mga Independent power producers?

Ano nga ba ang nagawa ng Oversight Committee sa Oil Deregulation Law na nagsilbing miron lamang sa mistulang kutsabahan ng mga kumpanya ng langis kapag presyo ng gasolina’y walang humpay sa increase?

Kaya Mr. Senator, masisisi mo po ba ang publiko kung mangamba na maging ala-pulis patola lamang ang komite na inaasahan ng bayan upang maprotektahan ang kanilang karapatan?

***

Hindi na siguro natin pagtatalunan na dapat hulihin at papanagutin sa batas ang nasa 90 libong South Koreans na ilegal na nananatili sa ating bansa.

Ang naturang bilang ay kumakatawan sa 90 porsiyento ng nasa 100 libong Koreano na dumating dito.

Ibig sabihin, mahigit sampung libo lamang ang mga Koreanong may legal na papeles na karamihan ay estudyante, turista at mangangalakal.

Bad trip ang Korean Embassy dahil pinag-iinitan at kinokotongan daw ng Bureau of Immigration ang kanilang mga mamamayan na may problema sa dokumento.

Resbak tuloy ng pamahalaang South Korea, hindi raw sila tatanggap ng mga Pinoy na gustong magtrabaho sa kanilang bansa hangga’t hindi tumitigil ang extortion ng mga tauhan ng Bureau of Immigration.

Marahil ay magkakasundo tayong lahat na hindi dapat magdusa ang mga inosenteng trabahador na Pinoy at kanilang pamilya dahil sa kalokohan ng ilang BI agents.

Nag-utos na raw si Immigration Commissioner El Celino Libanan para imbestigahan ang mga kotong congressmen, este BI agents pala.

Kaysarap i-dos por dos ang mga Koreanong abusado at kung tratuhin ang mga Pilipino sa sariling bansa ay parang mga busabos.

Oportunidad sa kabuhayan na dapat sana’y para sa mga Pinoy ay inaagaw pa ng mga Koreanong ito dahil talo pa nila ang mga Tsino at Bumbay na tindero at tindera na rin dito.

May mga lugar pa nga sa Visayas na nagsasaka, nagtatanim ng palay at mais ang mga Koreano.

Baka magising tayo isang araw, pati brodkaster sa radyo ay isa na ring Koreano!

Pero hindi ito lisensya upang kotongan naman sila ng mga abusadong BI agents na walang bukambibig kundi "Magkano ba-Korean?"

(tunying016@yahoo.com)

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top