Top Stories

Crime Stories


 

HULAAN BLUES

Congressman, nabahag ang buntot

 (Rey Marfil)


Kung anong tibay ng apog kapag humaharap sa media at ipinapakitang katapangan sa publiko kahit matinding kahihiyan ang ipinupukol sa kanilang pamilya, ito’y kabaligtaran sa ipinakitang pag-uugali ng isang kampon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Kamara matapos makasalubong sa lobby ng hotel ang numero unong kalaban sa pulitika.

Sa report na nakalap ng TONITE Spy, animo’y asong nabahag ang buntot ng isang kampon ni House Speaker Jose de Venecia Jr. matapos makasalubong sa lobby ng hotel ang isang palabang miyembro ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Nang minsan nag-out of the country ang tigasing senador, kasama ang mga kaibigang negosyante, aksidenteng nagkasama sa iisang hotel si Congressman, as in iisa ang kanilang tinuluyan kung saan bitbit ng kumag ang kanyang bagong karelasyon at katampisaw sa kama ng kasalanan na makailang-ulit itinanggi sa media.

Eksaktong paglabas ng elevator ang tigasing senador para kumain sa labas ng hotel, kasama ang mga kaibigang negosyante nang pumasok si Congressman, bitbit ang mga bagahe habang hawak-kamay ang bagong kinakalantari.

Halos ga-hibla lamang ang pagitan ng tigasing senador sa nilalakaran ni Congressman sa lobby ng hotel subalit hindi magawang makatingin ng huli sa una, animo’y iniiwasan nitong makipagtitigan o magsalubong ang kanilang mata habang naglalakad, kabuntot ang kaniyang karelasyon.

Hindi maiwasang matawa ng mga naglipanang kurimaw sa lobby ng hotel, sa pangunguna ng ilang Pinoy workers, dahil hindi nagawang makatingin ni Congressman sa tigasing senador kung saan halos matusok ng baba ang leeg sa sobrang pagyuko ng kumag habang naglalakad patungong front desk.

Isa sa kaibigang negosyante ng tigasing senador ang nagawa pang mang-alaska kung saan nilapitan sa front desk si Congressman at kanyang syota habang nagpi-fill up sa registration form upang kumpirmahing hindi ito namamalik-mata sa kaniyang nakita.

Clue: Napakasinungaling sa public hearing ni Congressman malusutan lamang ang eskandalong kinasasangkutan ng kanilang pamilya. Ito’y merong initial na "A" as in Alaskado sa alyas habang walang inaatrasan ang tigasing senador at ipinaglalaban ang tama.

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top