Editorial

For the record

Usisero

Sanggang-diin


 

EDITORIAL

Relasyon ‘wag isakripisyo


Ayaw nating husgahan ang ilang empleyado at opisyal ng Bureau of Immigration na inaakusahang nangongotong sa mga Korean nationals kapalit ng pag-ayos umano ng mga dokumento at ilang papeles ng kanilang pananatili sa Pilipinas.

Wala pang pormal na reklamo sa ating gobyerno kaugnay sa alegasyon ng mga Koreano pero kagyat na nagpalabas ng kautusan ang Embahada ng Korea na itigil ang pag-iisyu ng working visa sa mga kababayan nating magtutungo at magtatrabaho sa Korea.

Bukod sa nasabing direktiba ng pamahalaang Korea, balak ding resbakan ang may 15,000 Pinoy na hindi dokumentado ang pananatili sa South Korea.

Tamang umalma ang Korea at alinmang dayuhang bansa kung may nararanasang panggigipit sa kamay ng mga Pinoy. Karapatan natin ito bilang mga tao.

Pero sana bago magpalabas ng kautusan, hindi kaya mas mabuting ipormalisa muna ang reklamo.

Maaari namang aksyunan ang isyu nang hindi nasasakripisyo pati relasyon ng dalawang bansa.

Dahil sa ibinabang desisyon ng pamahalaang Korea, apektado ang mga kababayan nating magtutungo sa Korea para maghanapbuhay bukod sa muli na namang nadungisan ang imahe ng Pinoy sa mata ng mga dayuhang bansa.

Ayaw nating magmalinis dahil batid din naman nating laganap ang ‘lagayan’ at kung anu-ano pang ilegal na aktibidades sa mga ahensiya ng gobyerno pero sa pamamagitan ng isang reklamo o sumbong buo ang ating paniniwala na kayang-kaya itong masawata na hindi na hahantong sa gantihan kagaya ng gustong palabasin ng pamahalaang Korea.

 

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top