|
Showbiz Gallery
|
ENTERTAINMENT
Sarah, may ibubuga sa pagkembot
As usual ay ang daming bata sa audience na karamihan ay kasama ang mga magulang nila o buong pamilya. Kahit masa ang appeal ni Sarah, in fairness ay hindi jologs ang audience niya. Type siya maging ng mga bagets mula sa AB crowd na may pambili ng tiket sa kanyang concerts. Bago pa nagsimula ang show bandang 9:00 PM ay grabe na ang hiyawan ng mga tao na animo’y atat na atat nang makita si Sarah. Dumadundong ang Araneta pag-entra ni Sarah na naka-silver pants and hooded jacket. Seksi-seksihan ang dance moves ng dalaga habang bumabanat ng London Bridge at Here I Come ni Fergie. Hinubad niya ang kanyang silver jacket at lalong naghiyawan ang crowd nang makita ang suot niyang sleeveless silver top. Dalaga na ang magna-19 y/o na si Sarah (sa Hulyo 25) at may hubog na ang katawan niya. Pati mga galaw niya, kembot at indayog may bahid na ng kaseksihan. Ipinakita niyang may ibubuga rin siya sa pagsasayaw. *** Applauded din ang medley of senti songs ni Sarah ng To Love You More (na binagalan ang areglo), I Still Believe in Loving You at How Could You Say You Love Me?. Powerful ang vocals ni Sarah at sa liit niyang ‘yon ay kayang-kayang punuin ng boses niya ang buong Araneta. Umentra ang first guest niyang si Jericho Rosales na bumanat ng tatlong sunud-sunod na kanta. Hindi namin maunawaan kung bakit kailangang bigyan ng ganu’n kahabang solo spot number si Jericho, na parang nagpapaka-Gary V na ewan. Bukod doon ay nag-duet pa sila ni Sarah ng Pangarap na Bituin, ang theme song ng pagtatambalan nilang teleserye sa ABS-CBN na may ganunding pamagat. Hindi tugma ang boses ng dalawa dahil napakababa ng boses ni Jericho. Ang sagwa ng duet nila. Sana’y solo na lang itong inawit si Sarah. Si Mark Bautista ang sunod na naka-duet ni Sarah ng Kasalanan Ko Ba? Super-palakpak kami nang awitin ni Sarah ang paborito naming Listen mula sa Dreamgirls soundtrack. Kering-keri ni Sarah ang birit-biritan ni Beyonce Knowles at hanep ang rendition niya ng Oscar-nominated song. After ng kanyang movie theme songs medley ay nag-piano si Louie Ocampo at kinanta ni Sarah ang mga komposisyon ni Louie tulad ng Tell Me, You Are My Song, Say That You Love Me at I Can. "Sosyal na po, may aircon na! Yiheeee!! Thank you, Araneta!" natatawang pakli ni Sarah. Nu’ng huling solo concert niya kasi ay nagdusa ang audience dahil nasira ang airconditioning system ng Big Dome. *** Ang cute-cute ni Sarah ‘pag bumubungisngis siya na inosenteng-inosente ang dating. Matapos kantahin ni Sam Miby ang Maging Sino Ka Man ay nag-duet sila ni Sarah ng rock songs ni Bon Jovi na Always at I’ll Be There For You. "She’s the perfect role model!" papuri ni Sam kay Sarah. Habang inaawit ni Sarah ang Bakit Ako Mahihiya? ni Didith Reyes ay biglang umentra si Ai Ai delas Alas at pinatigil sa pagkanta ang dalaga. "Masyadong luma ‘yan, hindi ko sounds ‘yan!" tili ng hitad na Ai Ai na feeling bagets sa kanyang hiphop outfit. Nag-duet ang dalawa ng pinaghalong bagong dance hits at lumang OPM hits -- Bebot (ng Black Eyed Peas) at Bakit? (ni Imelda Papin), Don’t Cha (ng Pussycat Dolls) at Tukso (ni Eva Eugenio), Irreplaceable (ni Beyonce) at Sayang (ni Claire dela Fuente), at Bring Me To Life (ng Evanescence) at Isang Linggong Pag-ibig (ni Imelda Papin). Aliw na aliw ang crowd sa mga kalokahan ni Ai Ai at panay rin ang tawa ni Sarah sa nanay-nanayan niya sa Bituing Walang Ningning. "Grabe, ang dami-daming tao, baby! Sikat na sikat ka na!" proud na tili ng Mama Ai ni Sarah. Sey ng Comedy Concert Queen, behaved that night ang balahura niyang bibig dahil maraming bata sa audience. "Nandito pa si Gary V, dyusko!" hirit ni Ai Ai, bago siya nag-solo dance number ng I Am What I Am na unti-unti niyang hinuhubad ang suot niyang damit. *** May maiksing dance showdown sina Sarah at John Prats, na sinundan ng kanyang Michael Jackson number. Sexy shorts ang suot ni Sarah pero wholesome pa rin dahil may suot siyang leggings. Si Gary V. ang sunod niyang naka-sing and dance showdown. Sa anim na costume changes ni Sarah ay sa ending ng show lang siya nagsuot ng gown. Mostly pants ang suot niya, hindi gaya dati na parang nagpa-fashion show siya ng long gown ala Regine Veleasquez. Ang ganda-ganda ng red gown ni Sarah nang kantahin niya ang The Prayer, Bituing Walang Ningning at Forever’s Not Enough. Panay birit songs ang mga ‘yon at napansin naming tila hirap si Sarah na abutin ang matataas na nota. Nakaramdam kami ng pagkapagod sa tinig ni Sarah sa huling bahagi ng concert at halos isigaw na niya ang pagkanta, hindi kagaya two years ago na habang tumatagal ang show ay lalong gumaganda ang boses niya. Maghahatinggabi na ay hindi pa tapos ang show kaya inantok na ang mga tsikiting sa audience. May encore songs pa si Sarah kaya past 12:00 AM na ito natapos. Okey ‘yung idea na i-showcase ang talent ni Sarah sa pagsasayaw bukod sa pagkanta dito sa In Motion, pero sa kabuuan ay mas nagustuhan at mas nagmarka sa amin ang Araneta concert niyang The Other Side nu’ng 2005 mereseng nagdusa kami sa matinding init! |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|