|
|
PUBLIC
SERVICE
OFWs sa GAMCA clinic: 'Mga gahaman!' Matagal nang sakit ng ulo ng mga nagnanais magtrabaho sa Middle East ang pagkuha ng medical certification na sila’y walang sakit at nasa kondisyon para magtrabaho. Ito’y dahil limitado ang kanilang choice ng medical clinics na puwedeng kunan ng sertipikasyon sa 17 miyembro ng Gulf-Approved Medical Centers Association o GAMCA. Ang GAMCA ay itinuturing ng maraming OFW bilang isang kartel na sumisira sa pangarap ng maraming Pilipino na makapagtrabaho sa bansang tulad ng Bahrain, Kuwait, Oman, Qatar, Saudi Arabia at United Arab Emirates (UAE). Ang pangunahing reklamo laban sa GAMCA ay ang kuwestyunableng mga resulta ng medical tests ng mga clinic nito at ang kabagalan ng pag-iiskedyul nila ng examinations at ang kabagalan ng paglalabas ng resulta. Kung ang test results sa isang medical clinics ay puwedeng i-contest sa pamamagitan ng pagkuha ng second o third opinion, sa GAMCA ay hindi. Kung bumagsak sa lung x-ray sa isang GAMCA clinic, kadalasan ay hindi ka rin nito bibigyan ng referral para kumuha ng second opinion sa ibang GAMCA clinics. Maanomalya Dahil dito, nagsisilbing final arbiter ang GAMCA kung ang isang nagnanais magtrabaho sa Middle East ay fit to work o hindi. Maanomalya ang sitwasyong ito dahil nga sa questionable naman ang kanilang findings. Maraming aplikanteng may lung fibrosis (o scar ng dating sakit sa baga) ang nakakakuha ng unfit to work result sa mga GAMCA clinic kahit magaling na sila. Bilang patunay na kuwestyunable ang findings ng maraming GAMCA clinics, marami sa mga bumagsak sa GAMCA tests na hindi natuloy sa pagtatrabaho sa Middle East ang nakapasa sa non-GAMCA clinics at nakapagtrabaho sa ibang bansa. Hidi naman puwedeng ikatwiran ng GAMCA clinics na mas mahigpit ang medical examinations nila dahil mga resulta mula sa malalaking ospital sa bansa ang karaniwang kumukontra sa kanilang resulta. Sa sistema ng GAMCA, kahit ang Department of Health pa ang kumontra sa findings ng isang GAMCA clinic kaugnay sa isang aplikante, balewala rin. Sa GAMCA pa rin ang final say. Isang sampal ito sa DOH at sa pamahalaan natin dahil may isang grupo na mistulang naghahari-harian dito. Monopolya Kakaunti ang GAMCA clinics kung kaya may virtual monopoly sila ng kita mula sa libu-libong nagpapa-medical para sa prospective na trabaho sa Middle East. At dahil kakaunti sila, inaabot ng siyam-siyam ang mga magpapa-medikal bago mai-schedule. At kapag na-medical na, katakut-takot na delay naman ang ginagawa ng mga GAMCA clinics bago i-release. Dahil sa delays na isinisisi sa GAMCA, maraming aplikante ang nabubulilyaso ang lakad. Nasisira rin ang reputasyon ng maraming placement agency sa kanilang mga principal o foreign employer na inihahanap ng trabahante. Ang ginagawa kasi ng mga foreign employer ay kinakansela ang kanilang job order imbes na maghintay ng matagal sa processing ng mga OFW, na nade-delay dahil sa GAMCA. Sino’ng nagbubulsa? Ang tanong ngayon ay kung saan napupunta ang rebate sa ibinabayad na medical fees ng mga aplikante na dati’y napupunta sa mga placement agency? Sa mga embassy official ba ng mga bansang nagsulong ng GAMCA na ito? Ang totoo’y matagal nang inatasan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang DOH at Department of Labor na solusyonan ang problemang dulot ng GAMCA ngunit hanggang ngayon ay wala pang nangyayari. Natutulog kasi sa pansitan itong mga taga-DOLE at DOH. Kinasuhan na rin ang GAMCA na nakaabot na sa Court of Appeals dahil sagabal lang ito sa deployment natin ng OFW sa Middle East. Sobra na itong GAMCA. Dapat nang kalusin! Kung susumahin ang sumbong ng mga OFW at aplikante laban sa GAMCA clinics na nakakarating sa atin, ito ang mensahe nila: "Mga gahaman!"
|
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|