Editorial

Usisero

Sanggang-Diin


 

OPINION

Wala ring tuldok ang Maguindanao?


Makaraan ang dalawang buwan matapos ang eleksyon, saka lang natin nalaman kung kaninong exit poll at fearless forecast ang tumama... ang sa Genuine Opposition o sa Team Unity? Ngayong naiproklama na si Migz Zubiri, tumbok ang fearless forecast at exit poll ng Genuine Opposition na ang magiging resulta ng karera sa Senado ay 7-3-2. Palpak naman ang exit poll at forecast ng Team Unity, na 6-4-2.

Panauhin namin noon sa Kapihan sa Senado ang 2 spokesmen ng magkalabang kampo, si Atty. Adel Tamano ng GO, at Tonypet Albano ng TU. At doon nila sinabi ang resulta ng kanilang exit poll. Kaya lang, du’n sa pito na hinulaan ng GO na mananalo, kasama si Koko Pimentel. Ang inakala ng GO na malalaglag ay si Antonio Trillanes. Doon naman sa mintis na fearless forecast at exit poll ng TU, ang hinulaan nilang 6 na mananalo (kasama nina Angara, Joker Arroyo, at ngayon Zubiri), ay sina Ralph Recto, Tito Sotto at Mike Defensor.

Pero, tapos na nga ba ang laban nina Koko at Migz? Ayon sa mga abogado ni Koko, kukulitin pa rin nila ang Comelec dahil hindi sila nabigyan ng pagkakataong kuwestyunin ang mga COC sa Maguindanao. Umano’y hindi sila binigyan ng pagkakataong ipresinta ang mga katibayan at testigo ng katiwalian ng halalan doon. Kung mababara pa rin sila sa Comelec, at palagay ko’y ganu’n nga ang mangyayari, ang huling hirit ni Koko ay ang Senate Electoral Tribunal (SET). Pero tulad ng naisulat ko na, madugo at matagal ang labanan sa SET. Hindi ko lang alam kung magkano, pero kapag dinulog ni Koko sa SET ang kaso, ay babayaran na niya ang mga tauhang magbubukas ng ballot boxes mula sa Maguindanao, at magbibilang ng mga boto.

Nasabi kong inaabot ng siyam-siyam ang mga kaso sa mga electoral tribunal, kasi naalala ko ‘yung kasong dinulog ni Toti Carino, du’n naman sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET). Si Carino na tumakbo bilang congressman ng Pasig nu’ng 2001. Siya’y "natalo" umano, kaya nagprotesta. Awa ng Diyos, nanalo siya sa kaso at naiproklama pa, doon sa huling araw ng pagsasara ng ika-12 Kongreso nu’ng 2004. Tapos na ang kanyang terminong tatlong taon, bago siya nanalo.

Kunsabagay, wala yatang nakakaalala kung ano ang naging anomalya sa Pasig. Pero itong sa Maguindanao, patok ‘to. Para kasing nakakabit pa sa kaso ni Garci. Hindi nga ba’t bata ni Garci si Lintang Bedol, at pinuri pa niya bilang isang "magaling" na opisyal ng Comelec? Wala pang tuldok ang kaso ni Garci. Doon sa imbestigasyon ng House, walang napiga kay Garci, dahil hindi mapatunayang tunay o peke ang Garci tapes. Kaya siguro nagkaroon ng lakas ng loob si Garci na maging congressman na rin.

Ang malungkot ay mukhang nailibing na, kasama ni FPJ, ang anumang mga kababalaghang nangyari sa Mindanao nu’ng 2004. Pero buhay na buhay si Koko. At maliban kay Koko, bubuhayin din daw ng oposisyon sa Senado, ang kaso ni Garci. Kung inyong natatandaan du’n sa isang kolum ng Usisero, si Erap mismo ang may request niyan sa oposisyon.

 

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top