|
|
OPINION
Bawal makiramay! Kahit anong pera, benepisyo at parangal ay hindi sapat upang matumbasan ang buhay ng labing-apat na miyembro ng Philippine Marines na kinatay ng mga tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa lalawigan ng Basilan. Ramdam nating lahat na sinsero naman ang Commander-in-Chief na si Pangulong Arroyo sampu ng kaniyang mga opisyal sa administrasyon sa taos sa pusong pakikiramay sa mga naulila ng mga bayaning sundalo. Masarap pakinggan ang mensahe ni Ginang Arroyo na hindi maaaring magkubli sa peace talks ang mga responsable sa kahindik-hindik na pagmasaker sa mga Marines bagay na nagpapahiwatig na seryoso ang gobyerno na mabigyan ng katarungan ang pamilya ng mga sundalo. Hindi ito ang unang pagkakataon na nagpakita ng katrayduran ang grupong ito na pinagkakagastusan ng gobyerno sa usapang pangkapayapaan. Ngunit ang karumal-dumal na pagpatay sa mga kawal ay lalong nagpatingkad sa kawalang katapatan ng MILF sa peace talks na dapat repasuhing mabuti ng administrasyon kung meron talagang kahihinatnan. Sa isang banda, baka nga ipinag-adya na rin ng tadhana na mangyari ang sinapit ng 14 na marino upang gisingin ang damdamin ng gobyerno at isiping baka nga niloloko na lamang tayo ng mga kausap na Moro. Kung gagamit ng kamay na bakal at magpapakita ng political will, hindi lamang ang 14 na Marines ang mabibigyan ng katarungan ni Pangulong Arroyo kundi pati na rin ang libu-libong iba pang kawal at sibilyan na nagbuwis ng buhay sa pataksil na paraan ng mga Morong kalaban! *** Wala naman sigurong matinong tao na tatanggi sa pakikipag-usap na ang dulo’t bunga ay pangmatagalang kapayapaan. Pero ang tanong: Tapat ba sa usapan ang MILF? O baka naman habang kunwa’y nakikipag-negosasyon ngunit nagpapalakas naman upang sa bandang huli ay kakayan-kayanin na ang puwersa ng pamahalaan? Hangga’t hindi naipapakita ng MILF ang kanilang katapatan, dapat na itong bakbakan at ang puwersang malakas, dito’y iwasiwas! *** Hindi tuloy maiwasang alalahanin ang giyera pataning ibinigay ni Pangulong Estrada sa MILF noong umpisa ng taong 2000. Panay ang awat ni yumaong Archbishop Jaime Cardinal Sin ngunit si Erap ay nanindigang ituloy na pulbusin ang kalaban hangga’t hindi naipapakitang ito’y tapat sa usapan! Sa kauna-unahang pagkakataon nga, sa pinakamalaking lungga ng MILF sa Maguindanao, ang Camp Abubakar, ay itinaas ang sarili nating watawat. Nakakaiyak ang tagpong iyon. Mantakin mo, sariling lupain ng mga Pilipino, matagal na panahon ay hindi pumagaspas ang bandilang ating simbolo. Natanggal si Erap sa tulong ni Cardinal Sin, MILF ay nagtampisaw dahil Camp Abubakar ay muling inangkin! Tama nga pala si Erap. Tuloy ang usapan pero tuloy din ang bakbakan! *** Hindi ko malaman kung bakit sobrang lupit ng liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Col. Ariel Querubin na isang Medal of Valor awardee. Nagdurugo ang puso ni Querubin dahil halos puro dati niyang tauhan ang 14 na sundalong Marines na winalanghiya ng MILF. Ngayong nagkaisa ang sambayanang Pilipino sa pagluha sa nangyari sa mga marino, sinasagkaan pa pala ng AFP ang mga nakakulong na opisyal ng Philippine Marines na masilip man lamang sa huling pagkakataon ang kanilang mga dating tao? Puwede kayang isantabi muna ni AFP chief General Hermogenes Esperon at mismong ni Pangulong Arroyo ang kanilang personal na issue kina Querubin, Miranda at iba pa? Hayaan ninyong personal na makapunta sa burol ng mga bayaning kawal ang kanilang mga dating opisyal upang maipaabot ang pakikiramay at dasal! Ano ito, bawal makiramay? *** Hindi ko ipagtataka kung nagsusukal ang kalooban ni Querubin at gustong ipaghiganti ang kanyang mga dating tauhan sa Basilan ngunit wala naman siyang magawa. Medal of Valor awardee si Col. Querubin, karangalang naisabit sa kaniya dahil sa katapangang ipinakita sa giyera laban sa MILF pitong taon na ang nakakalipas. Si Erap ang nag-apruba noong 2000 ngunit si Pangulong Arroyo ang nagsabit nito noong 2001, buwan ng Marso. Hindi nag-iisa si Querubin sa mga opisyal at tauhan ng militar na kating-kati at gigil na gigil nang makalabas upang mairesbak ang mga kasamahang dugo ay tumagas! (tunying016@yahoo.com)
|
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|