Ikaapat na sunod na panalo ang puntirya ng Mapua Cardinals habang pagsolo naman sa liderato at pananatili ng kanilang malinis na karta ang kakanain ng Letran Knights kontra sa kani-kanilang mga katunggali ngayon sa men’s basketball action sa 84th season ng NCAA sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Unang sasalang ang season-host Cardinals sa alas-dos ng hapon kontra sa St. Benilde Blazers kasunod ang duwelo ng Knights at winless pa ring Philippine Christian Blue Dolphins sa main-game sa alas-kuwatro.
Magtatapat naman sa juniors game ang Malayan Science High School (Mapua) at ang Junior Blazers sa alas-11:30 ng umaga.
Matapos ang kanilang nakakadismayang opening day loss sa kamay ng defending back-to-back champions San Beda Red Lions, humataw nang husto ang Cards upang makuha ang tatlong sunod na panalo kung saan huli nilang pinataob ang Perpetual Altas, 76-65, noong Miyerkules. |