Pinagmulta ni Philippine Basketball Association Commissioner Renauld Barrios ng P244,400 ang walong manlalarong nasangkot sa rambol sa 2008 SMART-PBA Fiesta Conference first knockout game wildcard playoffs ng Talk ‘N Text at Purefoods Tender Juicy Hotdogs sa Ynares Center sa Antipolo City, Rizal kamakalawa ng gabi.
Sa inilabas na listahan kagabi ng tanggapan ni Barrios, multado sa TNT si import Terrence Leather ng P62,400-P40,000 sa pagbato ng bola, P20,000 sa paghabol kay James Carlos Yap at P2,400 sa technical foul, habang ang mga kakampi niyang sina Kalani Ferreria at Gilbert Lao ay mayroong P20,000 bawat isa sa pagtakbo sa hardcourt mula sa bench.
Sa panig ng P’foods, may P50,000 ang babayaran si Yap - P40,000 sa paglusob kay Leather at P10,000 sa pagbato ng bola, samantalang si Jose Enrico Villanueva ay may P33,000-P20,000 sa pagtungo sa court, P8,000 sa flagrant foul kay Leather sa laro at P5,000 sa porma ng pakikipagbanatan.
Sina Kerby Raymundo ay may P30,000 fine-P20,000 sa paglusob sa court at P10,000 sa paghagis ng tuwalya kay Florendo Ritualo, Jr., si Robert Sanz ay P28,000-P20,000 sa pagtakbo sa court at P8,000 sa pakikipag-away at si Jondan Salvador na pinagmulan ng riot sa pagbabantay ni Leather ay may P1,000 lang dahil sa technical foul lang niya.
Kaugnay nito, buhay at kamatayan ang nakataya sa salpukan ng seventh seed TNT at no. 9 Sta. Lucia Realty sa pagbaba ng telon sa brutal na knockout wildcard sa Ynares pa rin ngayon.
Uumpisahan ang girian ng TNT at SLR sa impuntong alas-siyete ng gabi na ang ngingitian ng tadhana ang ookupa sa pang-apat at pinaleng silya sa best-of-five quarterfinals katapat ang Barangay Ginebra San Miguel sa Linggo. Ang luhaan ay sasamahan na sa bakasyon ang Alaska Milk, Purefoods Tender Juicy Hotdogs at Welcoat Paints.
Kapwa umabante ang Phone Pals at Realtors sa pangalawang bahagi ng games na ito matapos ang magkahiwalay na paghakbang sa kanilang mga karibal sa nabanggit ding lugar. |