Kailan ka nakakita ng isang atleta na napapatigil ang “ikot ng mundo” ng isang bansa? Napag-iisa ang ‘di magkakasundo? Naipapantay ang mayayaman at ‘di naman gaanong mariwasa? Mga bata at matatanda walang bukang bibig kung hindi sana manalo si Pacman sa kanyang laban.
Ang larong propesyunal boksing ang siyang naging daan ni Emmanuel “Manny” Pacquiao upang maging simbolo ng mamamayang Pilipino sa buong mundo. Marahil, maliban sa Presidente ng Pilipinas, si Pacquiao ang pinakakilalang Pilipino sa buong daigdig.
Nakatutuwang isipin na kapag si Manny ay may laban, ang trapik sa buong bansa ay tumitila. Sa populasyon na 89 na milyonng Pinoy, ilang hati lamang ang ‘di nanonood o nakikinig sa lakas ng suntok, talino ng galaw, at mala-gladiator na paghahanda ni Pacquiao sa kanyang mga laban. May nagkomento pa nga na isang Pari na kapag Linggo ng umaga ang bagsak ng araw ng boksing ni Pacman, punung-puno ang Sabado na mga misa (anticipated mass) at wala masyadong nakararating sa simbahan kapag Linggo sa dahilang nakaabang na ang sambayanan sa pakikibaka ni Pacman.
Kauna-unahang Pilipino at Asyano na humawak ng kampeonato sa apat na “weight class: Former World Boxing Council flyweight champion, former International Boxing Federation super bantamweight king, reigning WBC super featherweight ruler at newly crowned WBC lightweight king of the world. Si Pacman ang Unang Pinoy na naghari sa 135-lb division. Tinaguriang People’s Champion, ibinoto ng Ring experts bilang pound for pound, na pinakamahusay na boksingero sa buong mundo.
Nasa puso at isip ng bawat mamamayang Pilipino si Pacquiao. Siya ay isang inspirasyon sa lahat ng Pilipino. Idolo ng kapwa boksingero na gustong marating maski kalahati ng naabot niya. Si Manny ay magandang halimbawa para sa mga mahihirap sapagkat siya ay pagpapatunay na ang kahirapan ay hindi una at huli na kalagayan ng tao sa buhay.
Ang mga balakid at pagsubok sa isang mahirap ay maaaring lampasan at maahunan kung ikaw ay may tamang direksyon sa buhay. Kapag ang tao ay may pangarap at sipag, hindi imposibleng makatawid sa mas-maayos na buhay.
Subalit sa gitna ng kayamanan na naipundar sa mga panalo ni Pacquio, sa kabila ng mga kampeonato na nasungkit ni Pacman, sa dinami-rami ng mga parangal at paghanga, papuri at ;di na mabilang at masukat na palakpak at paghanga, isang bagay ang tumatak sa aking isip na matapos ang usok sa kanyang laban: nais pang magbalik eskwela ni Manny Pacquio! Pangarap niyang makatapos ng pag-aaral. Isang bayani na ang nais lamang ay makatapos ng kanyang edukasyon para maging isang tunay na halimbawa sa kanyang mga anak at sa sambayanang Pilipinas.
Isa kang alamat Pacman! Tunay kang simpleng tao na may pangarap sa buhay. |