July 11, 2008 - Friday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
PUBLIC SERVICE
 
Huwag linlangin ang sarili
Kuya Rom
 

Dear Kuya Rom,
Ako at ang aking misis ay matagal nang nagsasama. Sa katunayan, nag-celebrate kami ng 10th wedding anni­versary namin noong isang buwan. May dalawa kaming anak. Ang misis ko ay siyang nag-aalaga ng mga bata, nag-aasikaso sa gawaing bahay, nag­luluto, at wala akong masabi sa kanyang ga­ling na gawing maayos at malinis ang lahat.
Ako naman ay naghahapbuhay, namamasada ng sari­ling FX na katas-Saudi pagkat tatlong taon akong nagtrabaho sa abroad. May sarili ka­ming maliit na bahay, may sarili kaming kuwarto ng misis ko, at may sariling kuwarto ang dalawa naming anak. Maayos kaming tingnan sa labas, pero kaming mag-asawa ay laging madrama at nag-aaway sa loob ng aming kuwarto. Kami ay magkalapit ngunit magkalayo.
Hanggang sa nagkaroon ako ng napa­kagandang relasyon sa pinakaperpektong babaeng nakilala ko. Ang a­ming kaligayahan sa puso, isip, at sa pisikal na paraan ay sobra, higit sa aking inaasahan. Siya ay ex-Saudi tulad ko, may asawa at tatlong anak. Para sa aming dalawa, ang relasyon namin ang pinaka at wala nang iba.
Sa mga sandaling kaming dalawa ay magkasama, para bang wala nang mas mahalaga pa pagkat kami ay maligaya. Nais naming magsama habang buhay, ngunit iniisip din namin ang magiging epek­to nito sa mga anak namin, sa pamilya namin, at ang sasabihin ng mga tao sa pali­gid namin. May chance ba na magpatuloy ang kaligayahan namin kung magsasama kami? -- Jessie

Dear Jessie,
Ito ay simpleng pa­ngungusap na tumutukoy sa iyong sitwasyon. Ang relasyon mo sa babaeng ito ay nagmumukhang “napakaganda” dahil hindi mo inaayos ang relas­yon mo sa iyong tunay na asawa at ina ng iyong mga anak. Ang magulong bahay ay nagiging maganda kapag nililinis at inaayos ito. Ang maruming damit ay nagi­ging bago kapag maingat itong nilalabahan at pinapalantsa. Simple ang prinsipyong ito, at mabuting gamitin mo sa lahat ng bahagi ng iyong buhay.
Ang katotohanang parehas kayong may pamilya at may lihim na relasyon ay nagpapakitang kayong dalawa ay may kani-kanyang problema sa loob ng bahay. Ang mga problemang ito ay hindi malulutas sa pamamagitan ng pagkikita ninyo nang patago. Ang inyong “napakaganda” na relasyon ay isang pagtatakip o paglimot o pag-iwas sa inyong personal na problema. Dahil sa akala ninyo ito ay kaligayahan at hindi ninyo namamalayan na nililinlang na ninyo ang inyong sarili sa paniniwalang ito ang solusyon sa inyong problema.
Nawa’y parehas ka­yong makinig sa babala: Ang taong linlang ay namumuhay sa ilusyon, ang taong lasing sa ilusyon ay manhid sa katotohanan, ang taong lumalayo sa katotohanan ay naliligaw ng landas, at ang taong ligaw sa bandang huli’y napapahamak.
Walang kayong katihimikan sapagkat binigyan kayo ng Diyos ng konsensiya na nagsasabi sa inyo kung ano ang tama at mali. Ano ang tamang gawin? Huwag ga­wing punasan ng karumihan at kasalanan ang konsensiya at apak-apakan lamang ito. Ang kosensiyang sunog ay wala nang pag-asa.
Ang kaligayahang nadarama ninyo ay hindi tatagal sapagkat ito ay labag sa mata ng tao at sa Diyos. Ang inyong ginagawa ay pagtakas sa tungkulin sa inyu-inyong asawa at pamilya. Sa inyong nahihibang at lumalabong pani­ngin, ang pagkakaroon ninyo ng relasyon sa labas ng sariling pamilya ay “napakaganda”, pero hindi ito nanga­ngahulugan na tama at wala itong kasiguruhan na magdadala ito ng habang buhay na ligaya.
Mahalaga na taimtim ninyong pag-isipan ang bawat anggulo ng sitwasyon ninyo. Mawawala ang paggalang sa inyo ng inyu-inyong anak at kamag-anak. Magiging malungkot ang inyong buhay sapagkat pilit na lilikha kayo ng sariling mundo na malayo sa pa­ningin ng mga taong hindi sumasang-ayon sa mali ninyong buhay. Pag-isipan ninyo ang lahat ng ito bago ninyo kumbinsihin ang inyong sarili na “wala nang mas mahalaga pa”. Nawa’y bigyan kayo ng liwanag ng Diyos!
Payong kapatid,
Kuya Rom

 

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES