For the record, si General Angelo Reyes ang kauna-unahang Chief of Staff ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na nagtraydor sa kanyang Commander in Chief sa kasaysayan ng Republika.
Napatalsik sa puwesto ang pinagtaksilan niya na si dating Pangulong Joseph Estrada at naging direktang benepisyaryo si Ginang Gloria Macapagal-Arroyo kaya ito naging Pangulo noong 2001.
Bilang ganti, lahat na yata ng hingin ni Heneral Reyes ay ibinigay ni Pangulong Arroyo at halos nga ay hindi na natin mabilang kung gaano karami ang puwestong naupuan nito.
Mula sa Defense portfolio, napunta sa DILG, DENR at ngayon ay Department of Energy at hindi tayo magtataka kung maitalaga ito sa iba pang government agency dahil sa laki ng utang sa kanya ni Pangulong Glory.
Kung papasadahan ang performance ni Reyes sa mga ahensyang pinaglagyan, maraming magsasabi na wala namang naging pakinabang sa kanya ang taumbayan.
Pero bakit hindi siya mabitawan ng babaeng taga-Malacañang? Dahil minsan na siyang napakinabangan at nagbabayad pa rin sa kanya ng utang ang kumare ni Bong Pineda!
At ngayong malapit nang mawala sa poder ang kanyang Lola Gloria, plano pala ni Mang Angelo na tumakbong Mayor sa Taguig.
Ewan ko lang kung madaling talunin si Justice Dante Tinga na sinasabing pagkaretiro ay balak pumalit sa outgoing na anak niya na si Mayor Fred Tinga!
***
Kung noong 2001 ay nagamit nang husto ni Mrs. Arroyo si Angelo Reyes, matindi naman ang naging pakinabang niya kay CHED Chairman Romulo Neri noong 2007.
Baka nga kung hindi lang umigsi ang dila ni Neri sa senado, nasilat na si Pangulong Arroyo sa iskandalo ng ZTE-NBN deal.
Ngayong inilagay si Neri bilang bagong president eng Social Security System (SSS) kapalit ni Cora dela Paz, maraming nagsasabi na bayad-utang ito ni Mrs. Arroyo sa dating kaibigan ni Jun Lozada.
Pero sa ganang akin, kulang ang SSS bilang pambayad ni Mrs. Arroyo kay Mang Romulo.
Kung puwede lang na italaga si Neri bilang Vice President o Executive Secretary o Finance Secretary o DILG Secretary, hindi pa rin sasapat upang makabayad sa kanya si Madame Gloria!
Bakit kanyo? Kung hindi kay Neri, baka nga tapos na ang maliligayang araw ni Pangulong Arroyo at ng kanyang mga katribo sa Palasyo!
***
Hindi na dapat isikreto ni Ma’am Cora dela Paz kung ano ang tunay na dahilan ng pgbibitiw niya sa puwesto. Dapat na rin niyang ipagtapat na hindi siya kusang nagbitiw kung siya’y pinagsabihan ng Palasyo na magbitiw.
Sa impormasyong ating nakalap, laging nagkikita ang Pangulong Arroyo at si Dela Paz sa Malacañang ngunit ni minsan ay hindi man lamang nagpahiwatig ang una.
Kung sabagay, hindi naman bago na may mga opisyal ng gobyerno na sa iba na lamang nababalitaan na sisibakin na sila sa puwesto kaya’t napipilitang maghain na lamang ng resignation letter.
Sanay na sanay ang administrasyon sa bastusan...walang kortesiya!
Tutal ay andyan na iyan, dapat nang ibuyangyang ni Dela Paz na pulitika ang tunay na nasa likod ng pagsipa sa kanya.
Wika nga ng mga taga-SSS, may proyekto ang Malacañang tungkol sa National ID (UMID) kung tawagin. Gusto umano ni GMA na ang SSS ang magpondo o gumastos sa proyekto (na ang gagastusin ay pera ng mga miyembro) pero ito ay tinutulan ni Pres. Dela Paz.
Kasama raw sa proyekto ang iba pang ahensiya ng gobyerno kagaya ng NEDA, Pag-Ibig, PHILHEALTH, GSIS, CENSUS at SSS. Hindi umano lahat ng gusto ni GMA ay sinusunod ng SSS President kaya nagalit sa kanya ang ale sa Malacañang.
Alam na ninyo kung ano ang formula... sumunod ka kahit mali kung mahal mo ang iyong puwesto!
(tunying016@yahoo.com)
|