July 11, 2008 - Friday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 
Mailap ang hustisya sa mahihirap
Raymond Burgos


Matagal nang problema sa ating bansa ang kabagalan ng gulong ng hustisya at pagiging mailap nito sa mga mahihirap na walang perang pambayad sa mga abogadong de campanilla.
Mabuti na lamang at mayroong pagka-aktibista sa isip at gawa itong si Chief Justice Reynato Puno at sinisi­mulan na ngayon ang programang “justice-on-wheels” na naglalayong maibsan ang backlog sa mga kasong hawak ng mga regular na korte.
Tama ang direksyon ng programang ito ni Puno dahil karamihan ng mga nagtatagal na kaso sa mga hukuman ay yaong mga kinasasangkutan ng mga mahihirap na nila­lang na walang pambayad sa abugado at maging sa pampiyansa kung kaya nabubulok ang mga ito sa kulungan.
Maganda rin ang tiyempo ng programang ito ng Korte Suprema dahil nga inaasahang tataas ang insidente ng krimen sa paglala ng kasalukuyang krisis sa bigas at ga­solina dahil nga walang kinikilalang batas ang kumakalam na sikmura.
Kung babasahin nga natin ang mga pahayagan ay karamihan ng nasasangkot sa mga krimen gaya ng robbery ay pawang mga mahihirap din at kadalasan nga ay kahit walang kasalanan ay nasasampahan ng kaso at na­tutuluyan pa sa Muntinlupa.
Halimbawa rito ay ang pagkakadawit ni ex-army Sgt. Ricardo “Edgar” Gomolon sa RCBC-Cabuyao robbery kung saan siyam na katao ang walang awang pinaslang ng mga salarin.
Si Gomolon ay hinuli ng mga elemento ng National Capital Region Police Office sa ilalim ni Director Geary Barias matapos na ito’y ituro umano ng isang 9-year-old na batang testigo na kabilang sa mga nanloob sa RCBC-Cabuyao.
Ang problema nga lang ay maraming mga testigo na kapitbahay ni Gomolon ang nagsasabing nasa kanilang komunidad sa Southside, Makati City ang dating sundalo nang maganap ang robbery-massacre sa RCBC.
Naalala ko tuloy ang kaso ng “Abadilla 5” na na-convict ng Quezon City RTC sa pagpatay kay retired Col. Rolando Abadilla sa kabila ng pag-amin ng Alex Boncayao Brigade na sila ang pumatay sa dating hepe ng Metrocom Intelligence and Security Group.
Mahihirap na tao ang mga napabilang sa “Abadilla 5” kung kaya hindi nila kayang magbayad sa mga de campanilla na abugado at kung kaya rin ganoon na lang sila pinaghuhuli at kinasuhan ng DILG-Parac noong panahon ng nasirang DILG secretary na naging senador na si Robert Barbers.
Ganito rin ngayon ang kinasasadlakan ng “Tagaytay 5” na pinaghuhuli naman ng Cavite provincial police office at ng Naval Intelligence and Security Force (NISF) sa bintang na nagpaplanong pabagsakin ang administras­yon ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo.
Dahil mga simpleng magbubukid at sabungero ang “Tagaytay 5” ay mailap din sa kanila ang hustisya at hanggang ngayon at nakakulong sila sa Camp Vicente Lim sa Laguna sapul nang sila ay iligal na inaresto noong Abril 28, 2006.
Masuwerte nga si Atty. Homobono Adaza at may pera siya kung kaya madaling nakapagpiyansa at ngayon ay rumeresbak pa sa media kay Atty. Raymund Fortun dahil kung nagkataong mahirap din siya ay malamang na nakakulong pa rin ito kasama ang tatlong retired Army colonel na idinadawit din sa kasong “proposal to commit coup d’ etat.”
Masuwerte rin itong si Marichu Baoanan dahil may sumalo sa kanyang mga matulunging Pilipino sa New York dahil kung hindi ay baka siya pa ang may kaso at nakakulong ngayon dahil hindi ordinaryong tao ang kanyang binabangga sa katauhan ni Ambassador Lauro Baja.
Suportado natin ang ginagawa ngayon ni Chief Justice Puno dahil isa itong paraan para matulungan ang mga mahihirap na matagal nang dumaraing sa mailap na hustisya dahil wala silang perang pampiyansa at pambayad sa magaling na abogado.

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES