July 11, 2008 - Friday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
HEADLINES
 
Sepsis outbreak sa OSMAK isinisi pa sa mga ina
(Tina Mendoza)
 

Kapabayaan ng mga ina at overcrowding ng pasyente ang itinurong pinagmulan ng pagkalat ng neonatal sepsis sa Ospital ng Makati (OSMAK) na kumitil sa buhay ng may dalawampu’t tatlong sanggol noong nakaraang buwan ng Mayo.
Sa resulta ng imbestigasyon ng binuong fact-finding committee sa pamumuno ni dating Health Secretary Jaime Galvez Tan, sinabi nito na dagsa ang nanganak sa OSMAK kung kaya’t nakompromiso na ang kakayahan ng ospital na magbigay ng magandang serbisyo at hindi na naiwasan ang sharing ng mga kagamitan sa neonatal unit.
Sa isang press conference, sinabi ni Tan na ang outbreak ng sepsis ay naiwasan sana kung nagpatupad agad ng mga kaukulang hakbangin ang OSMAK para mapigilan ito sa simula pa lamang.
“It appears that such a high number of deaths could have been prevented or at least minimized had there been measures taken at the onset to respond to the situation. The presence of multiple levels of pathogens found at the hospital’s Neonatal Intensive Care Unit indicates breakdown in infection control, owing largely to the absence of consistent infection control practices,” pahayag ni Galvez-Tan.
Iginiit naman ng committee na hindi mababaling ang sisi sa OSMAK dahil ang overcrowding ng mga pasyente ay naganap sanhi na rin sa kagustuhan ng ospital na mapagbigyan ang lahat ng mga pasyenteng nagtutungo rito.
Parehas naman ang naging findings ng hiwalay na imbestigasyon ng Department of Health (DOH) kung saan sinabi ni National Epidemiology Center Chief Dr. Eric Tayag na lumitaw rin na ang ina ng ilang mga sanggol ay mayroon nang impeksyon nang ipasok sa OSMAK kung kaya’t nang isilang ang kanilang sanggol sa loob ng 24-oras ay apektado na ito ng sepsis bacteria.
Ilang ina umano ng mga nasawing sanggol ay umamin na wala silang pre-natal check up at ang ilan ay nagkaroon naman ng sakit sa proseso ng kanilang pagbubuntis.
Ipinaliwanag ni Tayag na sa kanilang imbestigasyon ay lumilitaw na ang pagdagsa ng mga pasyente sa OSMAK ay dala na rin ng kagustuhan ng mga pasyente na makakuha ng magandang serbisyo medical. Aniya pa, kumpleto sa pasilidad ang OSMAK at isa ito sa mga ospital na may mga dekalidad na doktor kaya dinadayo ito ng mga pasyente.
Upang maiwasang maulit ang kahalintulad na outbreak sa OSMAK, inirekomenda ng committee na pawang mga high-risk at emergency cases lamang ang dapat tanggapin ng Obstetrics Department ng naturang ospital at ang mga manganganak na walang komplikasyon ay irerekomenda na lamang sa tatlong lying-in sa Makati.
Samantala, limang matataas na opisyal ng OSMAK ang inirekomenda ng komite na may pananagutan sa nangyaring sepsis outbreak. Nangunguna rito si dating OSMAK Director Julius Drilon.

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES