Sa patuloy na pag-iingay ni dating House Speaker Jose De Venecia Jr., na magsasalita na sa broadband scandal, ito’y hinamon ng Senate blue ribbon committee na tigilan ang ‘drama’ bagkus kumanta nang tama at naayon sa nota.
Ayon kay Sen. Alan Peter Cayetano, chairman ng Senate blue ribbon committee, mas makakabuting tigilan ni De Venecia ang pagdeklarang haharap sa broadband probe dahil mahirap itong paniwalaan hangga’t hindi nakikita ng publiko ang anino nito sa Upper House.
Maging ang pagtakda ng petsa ni De Venecia kung kailan haharap sa public hearing ng Senado, ito’y binaterya ni Cayetano, katulad ang alegasyon nitong mahusay lamang sa scheduling ang kongresista subalit hindi naman tinutupad ang pangako.
“Ang usapan ‘pag magaling na siya, siya mag-set ng date. He should stop announcing that he will testify. Just do it,” anang bagitong senador.
Aniya pa, habang tumatagal ang pag-testify ni De Venecia, mas lalo pang lumalakas ang hinala ng mga mambabatas na ‘binobola’ lamang ng ama ni whistleblower Jose ‘Joey’ De Venecia III ang publiko, sampu ng mga senador.
“Habang tumatagal, nagkakaduda. The sooner lumabas siya, the better. Kaso makukuwestyon ang motibo niya dahil sa kanyang pagpapatagal,” ani Cayetano.
|