Sa huling gabi ng action-adventure series na Joaquin Bordado, makakasama nang live ngayong Biyernes nang gabi ang cast upang magpasalamat sa lahat ng sumuporta sa programa.
Live ang ilang bahagi ng huling episode ng Joaquin Bordado na kinabibilangan nina Robin Padilla, Iza Calzado, Eddie Garcia, Mark Herras, Pen Medina, Ariel & Maverick, Ryza Cenon, Iwa Moto, BJ Forbes at Renz Valerio.
Kasama rin sa programang ito sina Ian Veneracion, Rommel Padilla, John Regala, Mon Confiado, Rez Cortez at Antonio Aquitania.
Matapos maging tagapagmana ng mga makapangyarihang tato -- Miguela (kerubin), Aratu (daga), Asaru (ahas), Kris (espada), Lamina (agila), Jihasu (jaguar), Orago (dragon) at batang mandirigma na si Erenea (Kylie) -- at mahalagang misyon na puksain ang kasamaan, babalik na ba sa pagiging simpleng tao si Joaquin Apacible (Robin Padilla)?
Sa pagbabalik ni Joaquin sa dating katauhan, babalik ba siya sa pagiging assassin?
Makakasama pa ba niya ang kanyang asawang si Sofia (Iza Calzado) at anak na si Jimboy (Renz Valerio)?
Sino ang magiging bagong bordado?
Alamin ang lahat ng ito sa huling laban ng kabutihan at kasamaan sa Joaquin Bordado ngayong Biyernes sa GMA Telebabad, pagkatapos ng 24 Oras.
***
Ilalahad nina Ces Drilon, Jimmy Encarnacion at Angelo Valderama ang kanilang karanasan sa dokumentaryong Kidnap sa Linggo (Hulyo 13) nang 10:05 PM sa ABS-CBN.
Babalikan ng tatlo ang kanilang mga karanasan at mga natutunan habang nasa kamay ng mga bandido -- si Angelo sa mga oras na ipinapakita sa kanya kung paano siya pupugutan ng ulo, si Jimmy nang inalok ni Ces ang kanyang buhay kapalit ng kanya, at si Ces sa kanyang pagkakatanto na hindi maaaring buhay ang kapalit ng isang istorya lamang.
Matutunghayan ang footages na kuha ni Jimmy sa kanyang camera.
Ikukuwento rin ni Ces sa Internet ang kanyang karanasan sa www.abs-cbnnews.com.
Abangan ang mga special reports tungkol dito sa TV Patrol World, Bandila at ANC simula ngayong Biyernes hanggang Linggo.
|