Ginanap ang thanksgiving party ng pelikulang My Monster Mom kagabi sa Imperial Palace Hotel.
Natural, masaya si Annabelle Rama.
Bago ang thanksgiving party, tinawagan ako ng Seiko Films producer na si Robbie Tan para iparating kay Bisaya ang kanyang pagbati.
“Nabasa ko ang column mo tungkol sa mga naninira sa My Monster Mom at nagsasabing flop ang pelikula ni Tita Annabelle.
“Ewan ko sa mga naninirang ‘yon, pero mismong booking office na ng Seiko Films ang nagsasabing kumita ang pelikula ni Tita Annabelle.
“Maganda ‘yung movie at nag-enjoy ako nang manood ako ng premiere night ng My Monster Mom.
“Pakisabi kay Tita Annabelle, congratulations dahil nakapagdala na siya ng pelikula,” pahayag ni Boss Robbie.
Maging ang PR consultant ng Solar Films na si Emy Abuan ay nagsabing kumita ang pelikula.
Mismong ang booking office nila ang nagpahayag tungkol doon.
“May email kasi akong natanggap. Sinisiraan ‘yung My Monster Mom at flop daw, kaya nagtaka ako. Tinanong ko ang booking office namin at sila ang nagsabing kumita ang My Monster Mom.
“Matataray ang mga taga-booking office namin at hindi sila basta magsasabi na kumita ang My Monster Mom kung hindi totoo!” sey ni Ms. Emy.
Maging ang mga taga-Star Cinema ay nagko-congratulate kay Bisaya.
“Masaya na ako sa mga nagko-congratulate sa akin. Ang importante, may mga nagtatanggol sa pelikula ko, kaya ayoko nang patulan ‘yung mga naninira sa My Monster Mom.
“Siguro nga eh hindi lang nila matanggap na box-office star na ako ngayon!
“May mga nagsasabing box-office queen na raw ako, pero kino-correct ko at sinasabing box-office star lang. At least, kumita ang My Monster Mom,” pahayag ni Bisaya.
***
Sinamahan ko si Richard Gutierrez sa music video shoot kahapon ng For The First Time movie nila ni KC Concepcion.
Nagsisimula na ang promo ng Star Cinema para sa pelikulang ito na sa Agosto 27 ang showing.
Sa Lunes ang alis ng grupo ng Star Cinema para sa shooting nila sa Santorini, Greece.
Bago ang shooting sa Santorini, mamamasyal muna sa Athens sina Richard at KC.
Sa kuwentuhan namin ni KC kahapon, nabanggit niya na noong nag-aaral pa siya sa Paris, France ay may mga kaibigan siya na pilit na nagyayaya sa kanya sa Greece, pero tumanggi siya.
Ngayon ay matutupad na ang pagpunta niya sa lugar na ‘yon.
***
Bago umalis papuntang Greece, magiging abala muna si Richard sa promo ng Codename: Asero nila ni Heart Evangelista.
The whole day sa Linggo ang promotions nila.
May SOP Rules muna sila at tutuloy sa Showbiz Central. May mall show pa sila sa SM Fairview.
***
For feedback, email junlalin@gmail.com
|