NANG umalis sina Lorna Tolentino at Sen. Jinggoy Estrada pa-Dubai, umiyak nang umiyak si LT nang nasa eroplano na siya.
Lulan sila ng Etihad Airlines at nasa business class na sobrang ganda ang service.
Magkakahiwalay ang mga upuan na merong nakaharang kaya hindi alam ng katabi mo kung ano ang ginagawa mo.
Sa buong biyahe ay si Rudy Fernandez ang nasa isip ni LT. Kung kasabay niya si Daboy sa biyahe, matutuwa ito sa ganu’n kagandang service.
First na biyahe iyon ni Lorna sa abroad na hindi na kasama si Kuya Rudy.
Ang namayapang bestfriend din ang nasa isip ni Sen. Jinggoy pagdating nila ng Dubai dahil sa VIP at first class na treatment sa kanila.
Iyun ang gustung-gusto ni Kuya Rudy kaya lalo nila itong na-miss sa biyaheng iyun.
Basta nasa Pilipinas, araw-araw ay nasa The Heritage Park si LT para dalawin si Kuya Rudy at asikasuhin ang ipinapagawang mausoleo.
Maganda ang plano at design ng mauseleo. Tiniyak ni LT na matatapos ito bago mag-Undas.
Sa Hulyo 18 ay magsisimula na ang pagpapalabas ng mga pelikula ni Kuya Rudy sa ABS-CBN.
Si Lorna siyempre ang naatasang mag-promote nito.
Hindi pa raw handang magtrabaho si LT kaya parang nagdadalawang-isip pa siya kung kaya na ba niyang humarap sa presscon at kung makakapag-promote siya sa ilang programa ng Dos.
***
Ang isa pang intrigang sumalubong kina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo ay buntis na raw si Juday kaya nagbabalak na silang magpakasal.
Malakas na tawa ang sagot ng magkasintahan dahil imposible raw mangyari iyun.
Nagsalita na rin si Mommy Carol na gusto na niyang magkaapo kay Juday.
Kung meron man, gusto niya sana, baby boy dahil may Yohan na rin naman si Juday.
Baby boy rin ang type nina Judy Ann at Ryan pero matagal pa raw iyun. Hind pa raw napag-usapan ang kasal, baby na agad?!
***
Si Diana Zubiri ang cover sa July 2008 issue ng FHM.
Tamang-tama, ito ang napansin ng Manila Councilor Benny Abante na nagsampa ng kasong Obscenity sa publisher ng FHM pati sa ibang sexy magazines.
Hindi na apektado si Diana sa ganitong isyu dahil nakasanayan na niya na madalas ay nasasangkot sa intriga kapag nasa cover siya ng FHM.
“Huwag naman sana akong madamay sa kung anong problema nila. Nang nagsisimula ako, nademanda na kami. Kumbaga, ‘yun ang pinakamalaking demanda sa buong buhay ko.
“Ngayon pa ba na pang-ilang cover ko na ito sa magazine na ito, matatakot pa ba ako?” pahayag ni Diana sa autograph-signing nito sa Robinson’s Galleria nu’ng Miyerkules.
***
Namataan namin si Sunshine Dizon sa GMA 7 kahapon na nakipagmiting kay Ma’am Wilma Galvante.
Ang laki na ng ipinayat ng aktres. Mukhang nalagpasan na niya ang pinagdaanang depression.
Nakahanda na si Sunshine magtrabaho pero konting papayat pa, sabi sa kanya ni Ma’am Wilma, para magandang-maganda na siya.
Nakahanda na rin si Sunshine na magsalita sa pinagdaanan niyang problema pero kailangan pa raw niya munang magpapayat pa.
Abangan na lang sa Startalk dahil dito daw siya unang magsasalita.
Sasagutin ni Sunshine ang mga naglabasang isyu tungkol sa kanya na pinagtatawanan na lang niya.
Kahit si Sunshine ay napapabilib sa sarili dahil nadisiplina niya ang sarili.
Gym at diet lang daw ang nagpapayat sa kanya.
Ayaw na raw niya ng lipo o kahit anong supplements o diet pills.
Isa sa payo na kailangang sundin daw ni Sunshine ay huwag munang ma-in love.
|