Binasag ng pamunuan ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang kanilang katahimikan kaugnay sa isyu ng gang rape sa loob ng unibersidad matapos magbigay ng reaksyon hinggil sa kumakalat na video sa YouTube kung saan ipinapakita umano ang ginawang panggagahasa sa isang 16-anyos na estudyante.
Ayon kay Dr. Dante Guevarra, presidente ng PUP, hindi ang sinasabing biktima at mga suspek ang nasa YouTube video kundi mga edited at mga uploaded lamang na still photos ang mga ito.
“It is very obvious that the person/s who edited and uploaded the still photos using “moviemaker” does not just want to discredit the personality of the victim but the good name of the university,” ayon kay Guevarra na inaming pinanood nila ang nabanggit na video.
Kaugnay nito, inatasan ni Guevarra ang PUP-College of Computer Management and Information Technology at Information and Communication Techonology Center na umaksiyon para mapigilan ang pagpo-post at uploading ng nasabing video.
Umapela rin si Guevarra sa print media, partikular ang mga tabloid na itigil na ang pagse-sensationalize sa isyu at pagsusulat lalo na sa aspetong seksuwal.
Maglalabas na umano ng resulta ng kanilang imbestigasyon ang pamunuan ng PUP sa pamamagitan ng binuo nilang fact-finding committee sa susunod na linggo.
|