May typhoid at dengue outbreak na kasalukuyang nagaganap sa lalawigan ng Romblon kung saan pangunahin sa mga biktima ay mga mag-aaral.
Ito ang nabatid ng TONITE kay Councilor Benjie Mayor na nagsabing nasa kalahati ng 700 estudyante sa Romblon East Central School ang nilalagnat at hinihinalang nadale ang mga ito ng typhoid at dengue.
May sampu naman umanong estudyante sa Romblon West Central School ang hindi pumapasok at hinihinalang dinapuan din ng mga nabanggit na sakit. Ang dalawang eskwelahan ay kapwa nasa bayan ng Romblon.
Nabatid pa kay Mayor na may 69 katao ang naka-confine sa Romblon District Hospital. Hindi pa umano kasama sa bilang ang mga nagpa-check-up sa rural health center. Pinauwi na muna umano ang iba dahil sa kakulangan ng doktor at gamot.
|