Nakaligtas ang Mapua Cardinals sa pag-aalsa ng Perpetual Altas para masakmal ang kanilang ikatlong sunod na panalo, 76-65, sa NCAA 84th season men’s basketball kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ang Mapua ay umakyat sa 3-1 record habang 1-2 ang Perpetual.
Tangan ang 65-51 abante sa unang bahagi ng payoff period, nataranta bigla ang Cardinals nang tunawin ng Altas ang kanilang bentahe sa 63-67 may 2:07 na lamang mula sa basket ni Ronald Reyes.
Agad kumilos si reigning MVP Kelvin Dela Pena nang isalpak niya ang pamatay-sunog na tres may 1:45 pa sa orasan. Nakaganti naman ng dalawang foul shots si Reyes upang pakikigin pa ang Las Pinas-based squad, 65-70, may 59.6 segundo na lamang.
Ngunit sa sumunod na posesyon ay ibinaon ni TG Guillermo ang isang three-pointer may 36.1 segundo na lamang mula sa cross-court pass ni Dela Pena upang muling ilayo ang koponan. Tuluyan nang sinelyuhan ni Guillermo ang tagumpay sa sinuwak pang panapos na rainbow connection.
“Buti na lang naka-regroup kami kasi they (Altas) were able to anticipate our set plays kaya we had to improvise,” ani Mapua mentor Leo Isaac
Nagtapos si Dela Pena ng 16 points at 10 rebounds, nag-ambag si sophomore Jonathan Banal ng 12 markers habang si Guillermo ay may walong puntos, anim rito mula sa huling canto.
Sa tampok na laro, nahirapan muna ang defending back-to-back champion San Beda Red Lions sa loob ng tatlo at kalahating canto bago tuluyang pasukuin ang Philippine Christian University Dolphins, 72-63 para
Makisosyo sa liderato sa Letran Knights sa sa kartang 2-0.
Halatang kinalawang ang San Beda dulot ng 10 araw na pamamahinga.
“We struggled especially in the first quarter. We started flat because of the long layoff,” pag-amin ni SBC coach Frankie Lim. “Our shots just didn’t come in while PCU had their shots taken almost at will.”
Bahagyang nakaabante ang Dolphins, 56-54, may 4:03 pang nalalabi sa payoff period bago makaarangkada ng 11-0 run ang Red Lions na isinara ng back-to-back three-pointers nina Borgie Hermida at Pong Escobal para sa 67-56 lead may 1:07 na lamang.
Nagawa pang makakatok ng PCU, 67-61, sa natitirang 39.1 segundo ngunit ito na ang huli nilang pananakot nang selyuhan na ng San Beda ang tagumpay sa naipasok na limang charities.
|