July 10, 2008 - Thursday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 
Ibagsak si Baja
Gerry Baja


Kung ikukumpara sa mga may apelyidong Delos Reyes, Dela Cruz, De Guzman at iba pa...napakaliit lamang sa bilang ng mga may apelyidong Baja.
Mangilan-ngilan na nga lang, magkakalayo pa. Bukod sa mga galing Nueva Ecija tulad namin, mayroong mga nasa Batangas, Bohol, GenSan at ilan pang lugar sa Visayas at Mindanao.
Kaya’t kapag may nagkakilalang parehong Baja, ang usapan kaagad ay “magkamag-anak tayo”...kahit kapag tinunton ay magkakalayo ng pinagmulan.
Karamihan sa mga Baja ay mahihirap at kung mayroon man ay iilan lang ang matatawag na may-kaya.
Bago nalagay sa balita si dating United Nations Ambassador Lauro Baja, nabalita muna ang pag-uwi ng bangkay ng isang OFW na ang pangalan ay Eugenia Baja.
Si Eugenia Baja ay tubong Bohol na iniuwing isa nang malamig na bangkay matapos matagpuang basag ang bungo sa loob ng CR ng kaniyang amo sa Saudi Arabia.
Naiuwi lamang ang bangkay ng 23-anyos na OFW matapos ang apat na buwan sa tulong ni Senate President Manny Villar.
Nataon naman na ito pa lang si Ambassador Baja ay consultant on foreign relations ni Senate President Villar.
***
Ang nasa balita ngayon ay ang mga kasong human trafficking, forced labor at racketeering laban kay Amb. Baja na isinampa ng kanilang dating “kasambahay” na si Marichu Suarez Baoanan.
Si Baoanan ay isinama ng pamilya Baja sa US noong 2006 bilang kasambahay na ipinapahintulot naman ng Department of Foreign Affairs.
Bukod sa hindi pagpapasuweldo ng tama, inakusahan pa ni Baoanan ang pamilya ni Ambassador Baja ng pagmaltrato sa kaniya.
Pero sa kuwento naman ng Ambassador, may mga resibo siyang magpapatunay na natanggap ni Baoanan at ng pamilya nito sa Pilipinas ang dapat nitong suweldo.
Ang kaso ay isinampa sa korte ng Amerika at doon ang tamang lugar para maglabas ng ebidensya ang magkabilang panig.
Ang hindi lang maganda sa pangyayari ay ang katotohanang una pang nalaman ng media ang kaso bago ang mga kinasuhan.
***
Hanggang ngayon yata ay hindi pa natututo ng “diplomatic courtesy” si dating Supreme Court Chief Justice Hilario Davide. Si Davide ang pumalit kay Amb. Baja bilang permanent representative ng Pilipinas sa United Nations.
Nagmadaling kumaripas noon si Davide para palitan si Baja sa UN kahit walang kumpirmasyon mula sa Commission on Appointments.
Ang isinasama ng loob ng pamilya Baja, hindi man lang sila pinagsabihan ni Davide tungkol sa kanilang asunto.
May mga naghihinala tuloy na sinadyang hindi ipaalam ang kaso sa pamilya ni Amb. Baja para hiyain ito sa publiko.
Ito kaya ang igaganti natin sa taong nagbigay ng malaking karangalan sa Pilipinas noong siya ay nakaupo sa United Nations Security Council?
Si Amb. Davide ay matagal-tagal na ring nakaupo sa UN...pero parang walang representasyon doon ang Pilipinas.
May kasabihan sa Ingles na “You cannot put a good man down.” Lalo pa siguro kung ang tao ay dati nang nasa baba o dati nang mapagpakumbaba.
Ang ibig nga palang sabihin ng Spanish word na Baja ay “lower” o mas mababa. (gerrybaja@yahoo.com)

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES