Inangalan ng ilang senador ang pagkunsidera sa abogado ni Jueteng King Rodolfo ‘Bong’ Pineda bilang kapalit ni dating Energy Regulatory Commission (ERC) chairman Rodolfo Albano.
Pinalagan ni Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero III ang pagtutulak kay dating Pampanga Congw. Zenaida Ducut bilang ERC chief kasabay ang pagkuwestyon sa kredibilidad at kapasidad nito.
Ayon kay Escudero, kailangang isang taong may nalalaman sa industriya ng enerhiya ang italaga ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa ERC at hindi aniya kung sinu-sino lamang.
Bagaman nirerespeto ang karapatan at kapangyarihan ni Mrs. Arroyo sa pagpili ng itatalaga sa puwesto, hindi aniya dapat binabalewala ang kakayahan ng mga “career people” na higit karapat-dapat sa ERC post.
“It’s GMA’s choice. Without taking anything away from them, these are positions which I hope would be filled up by career people,” ani Escudero.
Maging si Senate minority floor leader Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr., inihalintulad sa larong “Trip to Jerusalem” o “musical chairs” ang ginagawa ni Mrs. Arroyo sa pagpili ng mga makakasama sa gabinete.
“Ducut for Albano? What else is new?” resbak ni Pimentel.
Kasabay ang pagkunsidera kay Ducut bilang ERC chief, kumalat ang text brigade tungkol sa pagtayo nito bilang abogado ni Pineda na binansagang jueteng lord at kilalang malapit kay Mrs. Arroyo.
|