Patuloy na paiiralin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Unified Vehicular Volume Reduction Scheme (UVVRS), mas kilala sa tawag na color coding, sa kabila ng panawagan na kanselahin ito dala ng pagliit ng bilang ng mga sasakyan sa kalsada sa gitna ng paglobo ng presyo ng langis.
Ayon kay MMDA Executive Director Angelito Vergel De Dios, walang dahilan para kanselahin ang number coding bagama’t totoo na 10 porsyento na ng pribadong sasakyan ang nawala sa kalsada dala ng pagsirit ng presyo ng gasolina na umabot na sa P60 kada litro ay hindi pa rin ito sapat na batayan para sabihin na tuluyan na ngang lumuwag ang daloy ng trapiko sa mga lansangan.
Ipinagmalaki ni De Dios na simula nang ipairal ang number coding ay nasa 20% ng kabuuang volume ng sasakyan ang nawala sa mga kalsada na nagresulta upang lumuwag ang daloy ng trapiko lalo sa Edsa at sakaling kanselahin ang pagpapatupad nito ay tiyak na babalik sa buhul-buhol na trapiko ang mangyayari.
Una nang hiniling ng mga negosyante na kanselahin na ang number coding dahil na rin sa malimit na naaantala ang kanilang mga biyahe bilang pagsunod sa nasabing direktiba.
Gayunpaman, nilinaw ni De Dios na maaari naman na humiling ng exemption ang mga negosyante sakaling perishable ang kanilang mga ibibiyahe.
|