July 10, 2008 - Thursday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
HEADLINES
 
Gloria inaabandona sa VAT 
(Bernard Taguinod/Eralyn Prado)
 

Mistulang si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na lamang ang kuma­kapit sa Value Added Tax (VAT) dahil parami na nang parami ang kaalyado niyang mambabatas na nagpahayag na bawasan o kaya’y tuluyang alisin ang buwis na ito sa mga produktong petrolyo.
Anumang araw na ito ay maghahain na si Quezon Rep. Erin Tañada ng panukalang batas na hatiin ang 12% VAT sa langis o ibaba ito sa 5% hanggang 6%.
“Dapat gawing 5% or 6% ang VAT sa oil para maramdaman ng taumbayan ang pagkalinga ng Malacañang,” pahayag ni Tañada sa panayam ng Abante TONITE ukol sa nasabing buwis na ikinukonsidera na rin ng Malacañang na bawasan.
Ipinaliwanag ni Tañada na malamang na napag-aralan na ng Malacañang ang bagay na ito kaya pumayag na sila sa naturang panukala lalo na’t ramdam na rin ng middle class ang epekto nang walang puknat na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
“Sana lang hindi mapako lang sa pag-aaral. Sa tingin ko ay matagal na nilang pinag-aralan ito. Kailangan ang mabilis na aksyon dahil matagal ng naghihirap ang taumbayan,” ani Tañada.
Kabilang sa mga admi­nistration congressmen na sumasang-ayon sa pagsuspendi ng VAT sa langis si House committee on transportation and communication chairman Monico Puentevella dahil sa matinding epekto sa transport sector ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Puentevella, dapat nang ikonsidera ang pag-alis o pagsuspendi sa nasabing buwis upang hindi lumobo ang presyo ng langis na linggu-linggong nagtataas.
Kumbinsido rin si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na ang alis VAT sa langis ay malaking tulong upang maibsan ang pasanin ng taumbayan.
Tuwing tataas umano ang presyo ng langis, tuma­taas din ang kita ng pamahalaan mula sa buwis nito kung kaya’t panahon naman upang magsakripisyo ang pamahalaan sa pamamagitan ng pagbabawas sa limpak-limpak na kinikita mula sa buwis ng langis.
“Each time the prices go up, the amount of VAT increases. It’s about time government sacrifices the revenue it gets from the VAT on petroleum,” ayon kay Biazon.
Aminado ang kongresista na bagama’t walang kontrol ang pamahalaan sa world oil prices, ang pag-alis o kaya’y pansamantalang pagsuspendi ng VAT sa langis ay malaking kagaanan sa mga mamamayan.
Kung ang mga militanteng grupo naman ang tatanungin, hindi lamang pagsuspendi sa VAT sa langis ang dapat gawin ng gobyerno kundi ang pagbasura sa Oil Deregulation Law.
Ipinaliwanag ni Akbayan party-list Rep. Risa Hontiveros-Baraquel na isa sa mga dahilan kung bakit hindi nakokontrol ang presyo ng langis ay dahil inalis ng gobyerno ang kanilang hurisdiksyon sa nasabing industriya nang pagtibayin ang Oil Deregulation Law.

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES