Handa na si dating House Speaker Jose de Venecia Jr. na pasabugin ang hawak niyang bomba na maaari umanong yumanig sa Arroyo government.
Ito’y makaraang kumpirmahin ng dating House leader ang kahandaan niyang humarap sa Senado upang ilahad ang lahat ng kanyang nalalaman kaugnay sa kontrobersyal na NBN-ZTE deal.
Ang pagkumpirma ay ginawa ni De Venecia sa pagdating nito sa bansa kamakalawa matapos sumailalim sa series of medical check-up sa bansang Singapore makaraang dapuan ito ng sakit na flu.
Ayon sa Pangasinan solon, maayos na ang kanyang pakiramdam at ganado na siyang humarap sa Senate probe sa oras na siya’y imbitahan.
“My health has improved significantly, I’m awaiting for the Senate to invite me. If they invite me, I will be there,” pahayag pa ni De Venecia.
Aniya, kokonsultahin niya ang kanyang mga abogado sa sandaling muling buksan ng Senado ang imbestigasyon nito sa broadband deal.
Nauna nang nagbabala si De Venecia na maaaring ikabagsak ng Arroyo government sa sandaling pakawalan na niya ang bombang kanyang hawak ukol sa kontrobersyal na NBN-ZTE deal.
Sa Senado, pinayuhan naman ni Senate minority floor leader Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr. si De Venecia na mas makakabuting huwag nang magdadaldal kung kailan haharap sa Senate hearing.
Sa halip na idaan sa daldal, pinayuhan ni Pimentel si De Venecia na magtungo sa Upper House at isuko ang sarili sa komite ni Sen. Alan Peter Cayetano, chairman ng Senate blue ribbon committee.
“JDV said he’s now ready to testify in Senate hearing. Sana totoo at sana buong totoo ang sasabihin. ‘Wag na iyong puro salita,” ani Pimentel.
Magugunitang makailang-beses nang ipinangako ni De Venecia ang pagharap sa blue ribbon committee subalit wala naman umano itong ipinapakitang sensiridad sa mga binitawang deklarasyon sa media.
|