TAHIMIK lang si Bisaya, pero aware siya na may naninira sa pelikula niyang My Monster Mom.
Alam ni Bisaya na may nagkakalat ng text message na super flop ang kanyang ‘kembek’ movie.
Noong una ay gustong mag-react ni Bisaya, pero pinigilan ko siya.
“Tita, alam mo na may mga kaaway ka, kaya natural lang na may manira sa pelikula mo. Hindi nila matanggap na nakapag-comeback ka, kumita pa ang My Monster Mom. I’m sure, marami riyan ang shocked dahil bukod sa pinagkatiwalaan ka ng Regal Entertainment, nakipag-co-prod pa ang GMA Films para sa comeback movie mo!” paliwanag ko kay Bisaya.
Kalmado na si Bisaya kaugnay sa paninira sa box-office result ng kanyang pelikula.
Pati si Leo Dominguez (manager ni Ogie Alcasid) ay nag-dialogue na bakit magre-react si Bisaya eh palaging puno ang mga sinehang pinagtatanghalan ng My Monster Mom?
Lately ay tumitindi ang mga paninira sa My Monster Mom. Pati ako ay nakatanggap ng email na nagsasabing super flop ang ‘kembek’ movie ni Bisaya.
“Ayoko nang mag-react. At least, napatunayan ko sa sarili ko na tanggap ng mga tao ang pagbabalik-pelikula ko. Kung sinasabi nilang number two lang ako sa Hancock ni Will Smith, salamat naman at nag-number two pala ako at kay Will Smith pa nila ako kinumpara.
“Aba, malaking karangalan sa akin na ka-level ko na pala si Will Smith.
“Kahit sabihin pa nilang tinalo ni Will Smith ang My Monster Mom, hindi ako galit. Happy ako sa kinita ng My Monster Mom. Kumita talaga siya sa takilya at happy rin ang Regal at GMA Films.
“Masaya ako na nababalitaan ko na masaya ang mga taong nakapanood ng My Monster Mom, kaya sana naman ‘yung mga hindi pa nanonood eh manood na.
“Imbes na intindihin ko at mabuwisit ako sa mga naninira sa My Monster Mom, magpapasalamat na lang ako sa mga taong nanood ng pelikula ko.
“Hindi ko papatulan ‘yung mga naninira sa pelikula ko dahil matutuwa lang sila. Wala akong panahon sa kanila!” pahayag ni Bisaya.
Kahit may mga naninira sa My Monster Mom, may movie offers ngayon kay Bisaya. Hindi lang niya basta matanggap ang mga ‘yon dahil kapipirma lang niya ng exclusive contract kay Mother Lily Monteverde.
***
Nagulat ako sa tsika ni Dennis Evangelista na kinaladkad si Snooky Serna ng isang lalaki sa Robinson’s Galleria noong Linggo nang gabi.
Nabanggit ko kay Snooky ang tsismis na ‘yon nang magkita kami sa Baang Coffee Shop noong Lunes nang gabi.
Ang lalaking tinutukoy na kumaladkad kay Snooky ay ‘yung Joel na ex- boyfriend ng aktres.
Totoong hinila raw ni Joel ang kanyang kamay dahil pilit siyang isinasama, pero nanindigan daw si Snooky na ayaw na niyang sumama rito.
Noon pa raw ay hiwalay na sila ni Joel at gusto na niyang ayusin ang takbo ng kanyang buhay.
Noon pa raw niya ito dinerektang ayaw na niya, pero sumasama pa rin daw si Joel sa kanyang mga lakad bilang kaibigan na lang.
“Ayoko na ng mga ganyang balita. Kaya nga bumalik na naman ako sa pagba-Bible study. Gusto kong maging matino ang takbo ng buhay ko,” paliwanag ni Snooky.
***
For feedback, email junlalin@gmail.com
|