DUMATING ang magkasintahang Ryan Agoncillo at Judy Ann Santos nu’ng Martes nang gabi galing Paris, France.
Kasabay nila si Piolo Pascual.
Nakunan ng Startalk ang pagdating ng tatlo. Natatawa si Piolo na ikinuwento sa mga reporter na nagkita-kita rin sila nina Juday at Ryan sa Dubai airport nang pabalik na sila sa Maynila.
Nagkasalisi sila at hindi nagkaroon ng pagkakataong magkita sa Paris, pero nagkita sila sa Dubai at doon nagkakumustuhan.
Ayon kay Juday, walang isyu ang pagkikita nila ni Piolo. Noon pa man ay nagkita na raw sila at nagkausap.
Masaya raw silang nagkakumustuhan pero hindi na umabot sa engagement ang kanilang pag-uusap.
Sa hindi pa rin matapus-tapos na isyu ng engagement, hanggang ngayon ay iniiwasan ni Ryan ang tanong kung totoong mahigit P1M ang halaga ng singsing na ibinigay niya kay Juday.
Hindi naman daw iyun sa halaga kundi ang singsing na iyun ay sumisimbolo ng pagmamahalan nila.
Ang balak na pagpapakasal ay hindi pa raw napapag-usapan dahil nakatakda na namang umalis pa-Thailand ang aktres at mag-Amerika pa.
Baka pagbalik galing Amerika ay doon na nila mapag-usapan ang tungkol sa kasal.
***
Naaliw kami sa interview ni Ricky Lo kay Aiko Melendez sa The Ricky Lo Exclusives nang sinabihan niya ang actress/politician na wala itong bisyo pero meron itong “vice,” ang Vice Mayor ng Bulacan.
Natawa si Aiko sa sinabi ng Ninong Ricky niya pero hanggang ngayon ay wala pa rin siyang inaamin kung gaano na ba kalalim ang relasyon nila ni Vice Mayor Patrick Meneses.
Kaibigan pa rin ang sinasabi ni Aiko at nagpapasalamat siya sa lahat ng tulong nito sa kanya magmula nu’ng nagkaproblema siya.
“Salamat sa kanya (Vice Mayor Patrick), kasi, nu’ng umpisa nu’ng problema hanggang matapos, hanggang ngayon, nandiyan pa rin siya. So, salamat sa lahat-lahat,” pahayag ni Aiko.
Ayaw sabihin ni Aiko na vindicated siya sa pagbigay ng korte ng Permanent Protection Order sa kanya laban kay Martin Jickain.
“I’m gonna be stress-free from any abusive or any form of hurtful na puwedeng mangyari in the near future.
“But at the same time, wishful thinking pa rin ako na sana, one day, maging okay kami ni Martin,” dagdag na pahayag ni Aiko.
Hindi na makakalapit sa kanya si Martin, pero tuloy pa rin daw ang ibinigay niyang araw na makapiling ni Martin ang kanilang anak na si Martina.
“In all fairness to Martin, when it comes to spending quality time with Martina, in all honesty, talagang bilib ako kay Martin.
“Kasi, he makes it a point every Sunday and then pag may occasion sa pamilya nila, he sees to it na kasama niya si Martina,” patuloy nito.
Nu’ng nakaraang Lunes ay may preliminary hearing na ng annulment case nila ni Martin.
Sa July 18 ang first hearing ng naturang kaso.
|