Dear Tita Nora,
Namomroblema ako. Nararamdaman kong atat na atat nang makipag-eyeball sa akin ang textmate ko. Atat na rin naman ako pero hindi ko magawa dahil sa ginagawa kong pandaraya.
Ang pakilala ko kasi sa textmate ko’y isa akong negosyante, de-kotse at tisoy. Pero sa totoo lang ay walang-wala ang karakter na ito sa kalingkingan ko. Isa lang akong tambay, minsan ay paekstra-extra sa pamamasada.
Ramdam kong iba na ang tama sa akin ng textmate ko. Umaasa siya, kaya minsan ay nakokonsensiya na ako.
Gusto ko na rin siyang makilala pero paano ko gagawin iyon?
Sana’y mapayuhan mo ako.
Noel
Dear Noel,
Hindi ka talaga mapapanatag, Noel hangga’t nabubuhay ka sa kasinungalingan. Malinaw na panloloko ang ginagawa mo. At hindi lang ang textmate mo ang dinadaya mo kundi higit ang sarili mo.
Kung nahihirapan ka na rin lang sa pagbabalatkayo mo’y tigilan mo na ang panloloko mo. Huwag mo nang i-text pa’t paasahin ang textmate mo kung alam mong wala rin namang patutunguhan ang lahat.
Kung gusto mo namang magkaroon ng peace of mind ay maiging sabihin mo na lang ang totoo. Magalit man siya sa iyo’y kailangang magtiis ka na lang at harapin ang sitwasyon. Kalokohan mo iyan kaya kailangan mong lusutan.
Hayaan mo sanang mahalin ka o tanggapin ng isang babae sa tunay mong hitsura at pagkatao. Ang mahalaga’y malinis ang konsensya mo.
Good luck and God bless you.
Love,
Tita Nora