July 07, 2008 - Monday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
PUBLIC SERVICE
 
Unahin ang pinakamabuti sa pamilya
Kuya Rom
 

Dear Kuya Rom,
Hindi ko alam kung ano ang gagawin kong desisyon tungkol sa aking problema sa boss ko. May limang taon na akong nagtatrabaho sa kompanyang ito at habang tumatagal ay lalong nabibigatan ako.
Ako ay may asawa at anim na anak. Sila ay nakatira sa probinsiya dahil mas mura ang mamuhay doon. Umuuwi ako kapag day-off ko, tuwing araw ng linggo. Ngunit kadalasan ay balewala rin ang day-off ko dahil madalas na may pinagagawa ang boss at kailangan akong kumilos. Dahil dito wala na akong panahon para sa aking pamilya at nagrereklamo ang misis ko at mga anak namin.
Nagpapaliwanag ako sa kanila. Sabi ko unawain na lamang nila ang boss ko pagkat matanda na. Hinihingi ko ang kanilang pang-unawa na binibigay naman nila. Kaya lang sa mga pagkakataong nakakaharap nila ang boss ko, hindi nila maitago ang galit nila sa kanya, pagkat siya ang umaagaw ng oras na dapat ay para sa kanila.
Kinakausap ko ang family ko na maging mabait sila sa boss ko dahil tumatanda na ako at mahirap maghanap ng trabaho. Ito lang ang pag-asa ko para matustusan ko ang pangangailangan ng family ko kahit kadalasan ay kulang ang kita ko.
Minsan ay kinausap ko ang boss tungkol dito. Sabi ko sa kanya na parang nagseselos sa kanya ang family ko pagkat kahit day-off ko ay nagtatrabaho ako. Ang sabi sa akin ng boss ko, binibigyan daw niya ako ng suweldo para maglingkod sa kanya.
Gusto ko mang maghanap ibang trabaho, hindi ko magawa dahil wala akong oras para rito. Gusto ko mang lumipat ng trabaho, pero natatakot akong mawalan ng trabaho ng mahabang panahon dahil sa hirap ng paghahanap ng trabaho sa ngayon. Paano ko po ba sosolusyunan ito? Salamat po at pagpalain nawa kayo ng Diyos. --- Freddie
Dear Freddie,
Isipin mong ang mahalaga lamang sa boss mo ay ang kanyang kapakanan at nalilimutan niya ang iyong kabutihan. Huwag mong kaliligtaan na mahalaga ang iyong presensiya sa buhay ng iyong asawa at mga anak; sapagkat aanhin mo ang pera kung wasak naman ang pamilya?
May batayan ang takot mo, mahirap talaga ang maghanap ng trabaho sa ngayon. Pero huwag mong hayaang ang takot ang maghari at magpatakbo ng iyong buhay. Ang takot ay nagiging sagabal sa pag-unlad. Ang takot ay siyang pumaparalisa at pumipigil ng tagumpay sa buhay.
Ang kabaligtaran ng takot ay pananampalataya -- pananalig na may Diyos na kumukupkop sa atin at tumutugon sa ating tunay na pangangailangan. Ang pananalig ay matibay at matatag na pagtitiwala na mangyayari ang mga inaasahan natin at naniniwala sa mga bagay na ‘di natin nakikita sa biyaya at tulong ng Diyos.
Ang pananampalataya ay hindi natatakot na kumilos at humakbang tungo sa pag-unlad at sa mas mabuting buhay. Manatili ka sa iyong trabaho, pero magtalaga ka ng mga araw sa pag-iisip at pagha­hanap ng ibang legal na trabaho o pagkakakitaan na magbibigay sa iyo ng sapat para matustusan mo ang iyong pamilya at magkaroon ka ng oras para makapiling mo ang iyong mga mahal sa buhay.
Narito ang isang talata na kailangang pagbulay-bulayan mo, isaulo mo, at itanim mo sa iyong puso: “At hindi kinalulugdan ng Diyos ang hindi nanana­lig sa Kanya. Sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat maniwalang may Diyos, at Siya ang nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa Kanya” (Hebreo 11:6). Lumapit ka sa Kanya sapagkat nananalig kang alam Niya ang pinakama­buti para sa iyo, nananalig kang may inihandang pagpapala ang Diyos para sa iyo at sa kinabukasan ng iyong pamilya. God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES