July 07, 2008 - Monday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
EDITORIAL & OPINION
 
Ow?
Jun Bautista


Anong plano natin sa gitna nitong walang puknat na pagsirit ng presyo ng langis, na tuwing tataas ay panibagong record? Naunang itinanong ito ni Sen. Mar Roxas sa gobyerno nu’ng umabot ng $145 kada bariles ang langis. Nababahala na ang buong mundo at nagdaos nga nu’ng World Petroleum Congress sa Spain nu’ng nakaraang linggo. Nga­yong Lunes naman ay magmimiting ang tinatawag na G-8, ang pinuno ng pinakamayayamang bansa, diyan sa Toyako, Hokkaido, Japan. Hindi na mga kinatawan lamang ang dadalo dito kundi ang mga bigshot na mismo, mga Pa­ngulo o Punong Ministro ng Amerika, UK, Russia, Germany, France, China, Italy, at ang host Japan. Ito na nga raw ang huling eksena ni George Bush sa entablado ng mundo, bilang Pangulo ng Amerika.
Bagama’t ang napaba­litang main topic ay global warming, inaasahan na ang oil prices ang kakain ng oras, ayon sa mga eksperto. Talaga namang maski ang mayayamang bansa ay iniinda itong patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at pagkain, at ang panghihina ng kanilang ekonomiya. Laganap na rin sa kanila ang mga strike ng truck drivers at food riots, dahil sa taas ng presyo.
Mabuti-buti pa nga dito sa ‘Pinas panay pagbabanta pa lang ang sektor ng transportasyon. Kunsabagay, pasasaan ba’t ibibigay din ng gobyerno ang hinihingi nilang dagdag-pasahe. Hindi pa natin gaanong nararamdaman ang epekto ng bagyong si Frank sa agrikultura, pero tiyak na lalong magpapataas ito ng presyo ng pagkain. Siyempre, papatong dito ang itataas na singil ng transportasyon sa pagkain... ang mga naghahatid ng gulay, bigas, isda, karne, atbp. mula sa probinsya papuntang Divisoria.
So, ano nga ba ang ginagawa o magagawa natin? Kung ang taumbayan ang pag-uusapan, ano ba ang magagawa nila kundi magtipid sa konsumo ng halos lahat ng bagay at magtiis. Ano plano ng gobyerno? Sa aking pagkakaalam, nariyan ang ipinamigay na “limos” na P500.00 para sa kuryente, at subsidiya raw sa fertilizer. Pero ‘yon ay minsanan, one-time lang. Ang medyo konkretong hakbang ay ‘yong dinagdagan ang income tax exemption ng mga manggagawa. Pero ito’y mararamdaman nila sa Abril pa ng 2009, kapag nagbayaran na ng buwis. Ang dalawang hakbang na ‘yan ay ginawa ng gobyerno nu’ng ang presyo ng langis ay naglalaro pa lang sa $125-130 kada bariles.
Sa mga sumusubaybay sa Usisero, palagay ko’y inaasahan n’yo nang mauuwi sa EVAT sa langis ang aking punto. Hindi natin maaasahan ang Malacañang sa bagay na ito, dahil nasa kamay ng Kongreso ang tungkol sa buwis. Muling magbubukas ang Kongreso sa ika-28 nitong buwan. Naghihitay na lang ang Senado kung anong gagawin ng House sa panukalang alisin, isuspinde, o bawasan ang EVAT sa mga produkto ng langis, at pati na yata kuryente. Mayroon kayang mga bagong pampalubag-loob na iaanunsyo si GMA sa kanyang State of the Nation Address (SONA), maliban sa isalaysay ang listahan ng mga umano’y magaganda at progresibong nagawa ng kanyang administrasyon nu’ng nakaraang taon? Pero tiyak at pwedeng pustahan na aayaw siyang galawin ang EVAT. Ang papilosopong tanong dito ay... hindi ba independent ang Kongreso sa Palasyo?
Ang sagot dito ay... Ow?

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES