Mukhang tumitindi ang banggaan sa pagitan ng isang Obispong Katoliko at ng kapwa niya pari na tinaguriang The Healing Priest na si Fernando Suarez.
Matapos niyang kuwestyunin ang mga healing mass ni Suarez, ibinunyag naman ngayon ni Malolos Bishop Jose Oliveros na mahigpit na ipinagbabawal sa isang diocese sa Toronto, Canada na magsagawa ang bagitong pari ng mga healing activities doon.
Nalaman daw niya ang ban mula sa mismong Obispo ng Toronto nang magkita sila sa katatapos na International Eucharistic Congress sa Quebec, Canada.
Nilabag umano kasi ni Suarez ang direktiba ng Vatican Congregation for the Doctrine of Faith na patungkol sa mga nararapat na maging gawi na nakasaad sa Instruction on Prayers for Healing.
Tiniyak pa ni Bishop Oliveros na tutuluyan niya ang pagsasampa ng reklamo laban kay Suarez dahil sa aniya’y pagsasagawa nito ng mga healing masses sa Malolos, Bulacan nang walang permiso mula sa kaniya.
Hindi natin malaman kung paano ito makakaapekto sa mga aktibidad ni Suarez na matatandaang gumawa ng pangalan matapos dayuhin ng libu-libong tao ang mga ginagawa niyang healing masses.
Pero isa ang natitiyak ko -- na mismong mga Obispong Katoliko ang hindi bilib kay Suarez, katunayan ay inilathala mismo sa website ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga negatibong statement na binitiwan ni Oliveros.
Minsan na naming naging bisita ni Gerry Baja sa Dos Por Dos ang Healing Priest at doo’y dinumog kami ng mga nananampalataya sa kaniyang kakayahang magpagaling.
Karapatan ninuman na maniwala kay Suarez lalo’t kung totoong napagaling sila ng mga dasal at litanya nito.
Pero ang pagkontra sa kaniya ng mismong mga Obispong Katoliko ay hindi natin kagya’t na maunawaan -- posibleng may kasamang inggit ngunit maaari rin namang ito’y bunga ng totohanang pagdududa na hindi siya naniniwalang sa Diyos ang ginagawa ni Suarez!
Kunsabagay, noong tanungin ko kasi si Suarez kung paano matutukoy ng isang Kristiyano na ang isang taong nag-aangkin ng healing power at sadyang nakapagpapagaling ay sa Diyos o sa Diyablo, hindi niya ito masagot nang diretso.
Kaya’t ipinaalala ko sa kaniya ang nakasulat sa Bibliya tungkol sa isang eksena sa araw ng Paghuhukom kung saan may magsasabi kay Cristo ng “Panginoon, Panginoon. Kami ay gumawa ng Himala sa Iyong Pangalan at sa pangalan Mo’y nangagpalayas kami ng mga Demonyo.”
Ano ang sagot ng Panginoong Hesukristo? “Hindi ko kayo nangakikilala. Magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan!” Dapat tayong mag-ingat!
***
Saludo tayo kay Public Attorney’s Office (PAO) Chief Percida Rueda-Acosta dahil talagang napataas niya nang husto ang imahe ng naturang tanggapan na dati-rati’y inaaglahi at pinagtatawanan.
Salig sa kuwentuhan noong araw, kapag ang iyong abogado ay nanggaling sa PAO, siguradong paaaminin ka na lang sa kasalanan kahit hindi mo ito ginawa at tiyak na bilibid ang lagpak.
Pero ngayon, palibhasa’y nakatutok si Acosta, nakahirit ng mas mataas na suweldo para sa mga PAO lawyers, maihahambing o mas magaling pa kaysa mga private practitioners ang mga public defenders.
Pangunahin ang PAO sa mga tumutulong ngayon sa pamilya ng mga biktima ng lumubog na MV Princess of the Stars upang palakasin ang kanilang loob at umayuda sa legal na pakikipagbanggaan sa Sulpicio Lines Inc.
Huwag lamang sisingit ang mga abogadong may sariling interes o baka nga may maitim pang balak na pagkakitaan ang mga biktima ng trahedya, nakikita kong may mangyayari sa kaso nila kung PAO na ang mag-uumpisa at magtatapos ng aspetong sibil ng asunto.
Mabuhay ka, Atty. Acosta at ang iyong mga kasama!
***
Nga pala, mukhang wala tayong naririnig mula sa napakaingay na si Dante Jimenez ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) tungkol sa mga biktima ng Sulpicio.
Bakit wala ni anino ni Jimenez sa compound ni Mang Sulpicio upang tulungan ang mga pamilya ng nangalunod na pasahero?
Missing in Action yata kayo, Mang Dante. Mabuti pa ‘yung yelo ni Juday, pinatos n’yo!
Hala, kilos!
(tunying016@yahoo.com)
|