Ang barangay ang siyang pinakabasehan ng pamamalakad ng pamahalaan sa ating sistemang demokratiko. Ito ang unang “line of governance”, at dapat ay lalo itong bigyan ng pagpapahalaga. Sa maayos na liderato, kaakibat ang barangay sa pagpapatupad ng mga plano at proyekto ng lokal na pamahalaan. Ang barangay din ay dapat na ginagamit ng pamahalaang nasyonal upang ipagbigay-alam sa taumbayan ang mga polisiya, proyekto, at maging alituntuning nais ipatupad ng liderato para sa ikabubuti ng lahat, para sa kaayusan at katahimikan, at maging sa sama-samang pag-unlad.
Dahil nga sa kahalagahan ng barangay, at upang mabigyan ng pagpapahalaga ang kaakibat na responsibilidad ng mga halal na opisyal ng barangay, tayo ay nag-file ng Senate Bill 2427, na magbibigay ng “honorarium” mula 6,500 piso hanggang 15,000 piso sa mga punong barangay, at mula limang libo hanggang 12,000 piso sa iba nitong mga opisyal.
Nararapat lang ang ganito. Nilalayon din ng panukalang batas natin na sakaling magkaroon ng pagtaas o general adjustment sa mga suweldo ng ibang nanunungkulan sa pamahalaan ay makasali ang mga opisyal ng barangay.
Layunin nating maisaayos ang isang pangmatagalang sistema ng pagbabayad ng kaukulang serbisyo sa mga opisyal ng barangay, na sa ngayon ay magulo. Sa Local Government Code ng 1991, itinalaga sa minimum na isang libo para sa punong barangay at anim na daang piso para sa mga kagawad ang honorarium. Ngunit noong 1996, nagpalabas si dating Pangulong Fidel V. Ramos ng Executive Order 332 kung saan isinama ang kabarangayan sa mga institusyon ng pamahalaan na kasali sa Compensation and Position Classification System o Salary Standardization Law.
Nagkaroon ng pagkakalito dahil sa EO 332 kontra sa isinasaad ng Local Government Code at ginagamot lang ito ng Department of Budget and Management (DBM) sa pamamagitan ng mga department circulars. Ngunit dahil sa mga circular lang ito ng DBM, naging hindi pantay-pantay ang pagpapatupad at marami tuloy problema ukol sa tamang bayarin para sa mga opisyal ng barangay.
Kaya’t sa pamamagitan ng pagsasabatas ng ating panukala, maisasaayos na ang karampatang sahod ng mga opisyal ng barangay, at ito ay nararapat lamang at makatarungan.
Sa ganang akin, dapat ay palakasin ang barangay system ng ating mga munisipyo at siyudad. Kung bibigyan ito ng sapat na awtoridad, maging sa paghubog ng mga ordinansa at patakaran para sa kabutihan ng buong lungsod, ay magiging mas direkta ang serbisyo publiko, at mas magiging malapit ang pamahalaan sa sambayanang pinagsisilbihan.
Para sa akin, hindi dapat na gawing kasangkapan lamang ng mga pulitiko ang mga opisyal ng barangay sa kanilang pamumulitika, bagkus ay dapat silang maging haligi ng lokal na pamahalaan. Kapag napapanahon na ang magbago o mag-amyenda ng Saligang Batas, meron tayong mga iniisip na panukala upang maging lalong maayos ang sistema ng gobyerno, at nasa puso nito ang ating mga barangay.
Ngunit gaya ng lagi kong sinasabi, hindi napapanahon ang pagbago sa Saligang Batas dahil malamang sa hindi ay gamitin lamang sa mga balaking hindi maganda ng kasalukuyang pamahalaan.
(pinglacson.blogspot.com at www.pinglacson.com.ph)
|