Nalalapit na naman ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at ito ang kanyang pang-walong SONA mula nang maluklok sa kapangyarihan.
Subalit sa dinami-rami ng kanyang mga nababanggit na proyekto at programa sa mga nagdaang SONA, wala ni isa ang tumatak sa ating isipan na pupuwedeng mag-iwan ng magandang alaala ng kanyang pamumuno.
Isang SONA na lamang ang natitira kay Pangulong Arroyo kaya’t sana ay maging makabuluhan ito para sa sambayanang Filipino.
Kung magiging totoo lamang sa sarili ang liderato ng ating gobyerno, batid nating alam niya ang angkop na solusyon sa kahirapang pinagdaraanan ngayon ng bansa na pupuwede niyang itampok sa kanyang SONA at tiyak ay kabibiliban pa siya ng taumbayan.
Isantabi na ng Pangulo ang mga proyekto at programang paulit-ulit niyang ibinabandera tuwing SONA dahil kitang-kita ito ng publiko at kailangang maisakatuparan dahil sa napakalaking buwis na nakokolekta bunsod ng implementasyon ng Expanded Value Added Tax (EVAT).
Kung walang ideya ang Palasyo sa maaaring ilaman ng SONA ng Pangulo, nais nating magbigay ng rekomendasyon at ito ay ang pagtanggal kung hindi man ay pagsuspinde sa EVAT.
|