Tiniyak kahapon ng Department of Health (DOH) na hindi na magbibigay pa ng konsiderasyon sa apela ng mga banyagang pasyente na nakapila para makakuha ng Pinoy na kidney donor.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang walong Israel nationals ang siyang huling binigyan ng pagkakataon na makakuha ng Filipino donor matapos na maaprubahan ang Administrative Order No. 124 o ang Revised National Policy on Living Non-Related Donor and Transplantation.
Ani Duque, mayroon nang umiiral na ban para sa pagsailalim sa kidney transplant ng mga banyagang pasyente gamit ang bato na galing sa isang Pilipinong donor at wala nang sinuman ang mapagbibigyan pa na ma-exempt mula sa nasabing kautusan.
“There are no more exemptions that will be entertained,” ani Duque.
Nabatid na isa pa lamang sa walong banyaga ang matagumpay na naisagawa ang operasyon at ang pito ay naghihintay pa rin na makumpleto ang lahat ng kanilang kailangan bago sumalang sa operasyon.
Kabilang sa mga nadagdag sa bagong polisiya ay ang masusing koordinasyon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na siyang kakausap at kikilala sa donor upang matiyak na kamag-anak nga nito ang pagbibigyan ng kidney.
Sa ilalim ng bagong kautusan ay ipinagbabawal na ang foreign kidney transplant mula sa mga Pilipino na hindi naman nila kamag-anak.
|