July 07, 2008 - Monday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
HEADLINES
 
JDV sisipain sa Lakas ‘pag kumanta sa Senado
(Eralyn Corvera Prado/Rey Marfil)
 

Malaki ang posibilidad na mapalayas bilang mi­yembro ng Lakas-CMD si Pangasinan Rep. Jose de Venecia Jr. kapag itinuloy nito ang planong pagharap sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa kontro­bersyal na broadband scandal.
Ito ang napag-alaman mula sa isang administration solon na ayaw magpabanggit ng pangalan kasabay ng pagsasabing isa sa mga dahilan ng pagdadalawang-isip ni De Venecia na humarap sa Senado ay alam nitong tuluyan na siyang bibitawan at palalayasin sa partido at walang sasalo sa kanya.
“Eh kung masibak siya sa partido, saan siya pupunta, mabuti kung may sasalo sa kanya, palagay n’yo ba sasaluhin siya ng oposisyon diyan, eh alam naman kung sino siya,” ayon pa sa source.
Ito umano ang kinatatakutan ni De Venecia na masisibak siya sa partido oras na magsalita sa Senado at wala siyang mapupuntahan.
Naniniwala umano ang partido na wala nang puwang pa si De Venecia para manatili sa Lakas-CMD matapos na batuhin nito ng kaliwa’t kanang akusasyon si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na siyang titular head nila nang walang sapat na basehan at nakakasira sa buong partido.
Ito ang mga bagay na pinag-iisipang mabuti ni De Venecia, ayon sa source, kaya hanggang ngayon wala pang katiyakan kung haharap ito sa Senado bagama’t pinalulutang ng dating House leader na handa siyang humarap sa tamang panahon.
Samantala, hindi pa man nakakatapak sa Senado, inaasahang ‘tustado’ sa gagawing imbestigasyon ng mga senador si De Venecia dahil dalawang beses umano itong isasalang sa hot seat.
Maliban sa broadband scandal, isasalang din si De Venecia sa Northrail probe upang ‘pakantahin’ sa naging partisipasyon nito kung bakit napasakamay ng Chinese company ang kontrata.
Sa kabilang banda, walang balak ang Senado, ayon kay Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson na puwersahin si De Venecia na humarap sa imbestigasyon dahil kinikilala nila ang parliamentary courtesy at pagiging pantay sa kapangyarihan ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES