Mga miyembro ng isang fraternity na pinamumunuan umano ng 15-anyos na babaeng suspek, ang may kagagawan ng gang rape sa 16-anyos na dalagang estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) at ang ginawang panghahalay sa biktima ay bahagi ng hazing o initiation rites para sa mga bagong kasapi ng grupo.
Sa panayam kay Supt. Jimmy Tiu, hepe ng Manila Police District-Station 8, natunton na umano sa kanilang pag-iimbestiga ang grupo na responsable sa gang rape at nakilala ito sa pangalang “Hinarao Group” na pinamumunuan ng babaeng kaeskwela ng biktima na kabilang sa mga dinakip ng pulisya ngunit pinalaya rin matapos ipag-utos ng piskalya.
Napag-alaman na kakaiba at hindi umano pangkaraniwan ang initiation rites ng naturang fraternity kung saan sinasaktan at dinadaan sa pananakot ang panghihikayat para sumapi sa kanilang grupo at kalaunan ay minomolestiya at hinahalay ng mga lalaking miyembro nito.
Batay pa rin sa imbestigasyon ng pulisya, pawang mga estudyante rin ang miyembro ng naturang fraternity subalit binuo ang grupong ito sa labas ng PUP. Sa labas din umano ng unibersidad ginagawa ng grupo ang panghihikayat ng mga bagong kasapi at puntirya ng mga ito ang mga bagong saltang estudyante o freshmen ng PUP na kanilang inaabangan sa labas ng eskwelahan.
Dahil dito, nanawagan si Tiu sa mga mag-aaral ng PUP na makipagtulungan sa pulisya para sa ikalulutas ng kaso sa lalong madaling panahon.
Sinabi ni Tiu na sa itinatakbo ng kaso, mas pumapabor umano ang nakararaming estuyante sa mga suspek kaysa sa biktima na higit na nangangailangan ng hustisya.
“Naaawa ako sa biktima dahil maaaring hindi lamang siya ang nabiktima ng grupong ito. Posibleng may iba pa na nanahimik na lamang sa takot na mabunyag ang masaklap na sinapit at pangambang bweltahan ng grupo,” ayon kay Tiu.
Hihilingin din umano nila sa Department of Justice (DOJ) na isailalim sa Witness Protection Program (WPP) ang biktima para sa kaligtasan nito. Nabatid na nasa isang pagamutan ang biktima subalit hindi ibinunyag kung saang ospital para sa kaligtasan nito.
Samantala, ipinahayag ng nakatatandang kapatid na babae ng biktima na nagkaroon umano ng impeksiyon ang ari nito dahil may kakaibang lumalabas na posibleng nana.
Ngunit upang makatiyak, hinihintay ng pulisya ang resulta ng pagsusuri ng medico-legal na isinagawa ng PNP Crime Laboratory.
Samantala, patuloy na tinututukan ng pamilya ang biktima at sinabi ng nakatatandang kapatid nito na nakakatulog na at nakakakain na rin ang kolehiyala.
Tulung-tulong umano ang buong pamilya para sa pagrekober nito sa kalunus-lunos na karanasang sinapit. “Hangga’t maari ay ayaw na naming pag-usapan lalo na sa kanyang harapan ang nangyari. Dina-divert na lang namin sa iba’t ibang paksa para unti-unti na niyang makalimutan ang nangyari sa kanya,” pahayag ng ate ng biktima.
Taimtin din at madalas ang panalangin ng pamilya ng biktima para sa agarang pagrekober ng kanilang kaanak.
“Ang pangunahing concern namin na tinututukan ngayon ay ang kanyang kalusugan dahil kapag umayos na ang kanyang kondisyon ay magandang senyales ito ng tuluy-tuloy niyang pagbangon,” ani pa ng ate ng biktima.
|