MAGUGUSTUHAN ng mahihilig sa drama ang bagong teleserye ng ABS-CBN na Iisa Pa Lamang (na magsisimula na sa Hulyo 14 sa Primetime Bida).
Napanood namin ang unang linggo ng Iisa Pa Lamang sa celebrity/press screening nito nu’ng Biyernes sa Cinema 2 ng SM North EDSA-The Block.
Drama kung drama ang Iisa Pa Lamang, na forte ng primetime block ng Kapamilya Network. 
Tungkol ito sa pagmamahal, pagnanasa at pagkukunwari, at may tagline na ‘Love destroys, love consumes, but ultimately… love redeems.”
Bida sa nasabing teleserye si Claudine Barretto na suportado ng malaking cast sa pangunguna nina Diether Ocampo at Gabby Concepcion.
Sa istorya ay magkakaibigan nu’ng mga bata pa sina Catherine Ramirez (Claudine), Miguel Castillejos (Diether) at Raphael Torralba (Gabby).
Nakatira sila sa Hacienda Amadesto na pag-aari ng pamilya ni Miguel, na malapit na kaibigan ng pamilya ni Raphael. Si Catherine ay anak-mahirap, pero itinuring siyang matalik na kaibigan nina Miguel at Raphael.
Nagkahiwalay ang tatlo nang umalis sina Miguel at Raphael para mag-aral sa Amerika.
Nang magbalik-bayan ang dalawa ay mga binata’t dalaga na sila at agad na nagkaibigan ang magkababatang sina Miguel at Catherine.
May pagtingin din si Raphael kay Catherine subalit ililihim lang niya ang nararamdaman.
May masidhing galit ang lolang nagpalaki kay Catherine na si Aura (Susan Roces) sa pamilya Castillejos, lalo na sa matapobreng ina ni Miguel na si Isadora (Cherry Pie Picache).
Mapapagitna ang magkasintahan sa matinding hidwaan ng kanilang mga pamilya at susubukin ng tadhana ang pag-iibigan nila.
***
Reynang-reyna ang turing ng Dos kay Claudine at kitang-kita ‘yon sa laki at ganda ng mga proyektong ibinibigay sa kanya.
Gaya ng dati ay suportado siya ng malalaki at magagaling na artista sa bago niyang telenobela.
Mapanghamon ang kanyang papel bilang bidang si Catherine na halos puro kahirapan at pagdurusa ang pagdaraanan bago matutong tumayo at lumaban.
Ang ganda pa rin ng mukha ni Claudine, pero parang mataba siya sa screen at hindi maikakailang nanay na siya. Pansin din namin na parang pagod na siyang umiyak at tila hirap na siyang magpatulo ng luha.
Ang ganda-ganda ng role dito ni Diether bilang si Miguel na handang ipaglaban ang babaeng mahal niya.
Ang husay ni Diet sa mga napanood naming eksena at naantig kami sa dramatic moments niya.
Bukod sa ang guwapo ngayon ni Diet ay ang ganda ng katawan niya kaya lalong naging kainlab-inlab ang karakter niya.
May eksenang naghubad siya ng damit (boxers lang ang natira) habang nagsu-sorry kay Claudine at topless siya habang nangangabayo sa hacienda.
Panay rin ang halikan nila ni Claudine at sa isang madilim na tambakan naganap ang unang pagtatalik nila. Napangalawahan pa ang pagniniig nilang ‘yon dahil inlab na inlab sila sa isa’t isa.
Bagay kay Gabby ang role niya bilang si Raphael na crush ni Catherine nu’ng mga bata pa sila, pero kuya-kuyahan ang dating dahil sampung taon ang tanda niya sa dalaga. Napakaguwapo pa rin ni Gabby sa screen kahit hindi maikakailang may edad na siya.
Natural si Gabby sa mga eksena niya at hindi halatang naninibago pa siya. Ipinakita sa mga susunod na episodes na magkakarelasyon din sila ni Claudine at may kissing scenes at love scenes din sila.
***
Bongga ang kontrabida role dito ni Cherry Pie Picache at kasuklam-suklam siya bilang mala-demonyang si Isadora.
Kahit nakapikit ay kayang gampanan ni Ms. Pie ang evil character niya. Wala siyang ka-effort-effort at kadalasan ay agaw-eksena siya.
Rich ex-girlfriend na galing Amerika ang papel ni Angelica Panganiban bilang si Scarlet na naghahabol kay Miguel.
Nasa cast din si Ms. Laurice Guillen bilang ina ni Gabby, Bembol Roco bilang ama ni Angelica, Melissa Ricks bilang nakababatang kapatid ni Diether, at Matt Evans bilang nakababatang kapatid ni Gabby.
Sa haba ng preview ay may mga eksenang gusto na naming i-fast forward, pero understandable ‘yon dahil pang-isang linggo ang ipinapanood sa press.
Sa cliffhanger ending na kinamkam ni Isadora ang bahay at lupain nina Catherine at pinalayas silang maglola mula sa hacienda ay isinumpa ni Catherine babalik siya upang kunin muli ang lahat ng inagaw sa kanya.
Kulang na lang ay magdayalog si Claudine ng “Babangon ako’t dudurugin kita!”
In fairness ay matino ang Iisa Pa Lamang na mula sa pinagsamang direksyon nina Ruel Bayani at Manny Palo. Si Lani Misalucha ang umawit ng theme song. Mas maganda pa rin ang original version ni Joey Albert.
Kasabay na magpi-premiere ng Iisa Pa Lamang sa Hulyo 14 ang Codename: Asero ng GMA
|